Messenger ng BOC na may Porsche, sinibak

PINATALSIK NG Office of the Ombudsman sa serbisyo ang isang messenger ng Bureau of Customs (BoC) na may-ari ng isang Porsche sports car at isa pa dahil sa pagsisinungaling sa kanyang statement of assets, liabilities and network (SALN).

Base sa magkahiwalay na resolusyon, kinilala ni Ombudsman Conchita Carpio Morales ang dalawang tinanggal sa puwesto na sina Eduardo Wong, BoC assessment chief sa Cagayan de Oro City; at Paulino Elevado IV, messenger ng nasabing ahensiya.

Inihayag ng anti-graft czar na nagmamay-ari si Wong ng mga lupain at malaking bank account bagama’t ang kanyang buwanang sahod ay P30,000 lang.

Bigo umano si Wong na ideklara sa kanyang SALN ang kanyang kinita mula sa kanyang apartment rental, barberya, restaurant at retail store business.

Sinibak naman ni Morales si Elevado sa serbisyo dahil sa five counts of falsification of public documents at two counts of graft and corruption.

Maaalala na lumabas sa mga balita si Elevado nang madawit ang minamaneho nitong Porsche Carrera sa isang insidente ng “hit-and-run” sa South Luzon Expressway.

Base sa pagsisiyasat na nagsimulang magtrabaho si Elevado sa BoC noong 1992 bilang isang messenger na may taunang sahod na P24,000.

Ayon pa kay Morales, nagmamay-ari rin si Elevado ng isang townhouse at isang house and lot sa Casa California Executive sa BF Resort Village sa Parañaque.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.