Meralco, posibleng ‘i-takeover’ ng gobyerno

POSIBLENG KUNIN ng gob-yerno ang Manila Electric Company (Meralco) kapag hindi nito binawi ang banta na magkakaroon ng serye ng brownouts sa sandaling hindi pa alisin ng Supreme Court (SC)  ang freeze order sa P4.15 dagdag na sa singil sa kuryente.

Sinabi ni Bayan Muna Reps. Nerie Colmenares at Carlos Zarate na hindi dapat takutin ng Meralco ang publiko dahil puwedeng i take-over at kontrolin ng pamahalaan ang kanilang serbisyo in case of emergency upang maiwasan ang anumang aberya dito.

Iginiit pa ni Zarate na maituturing na blackmail ang banta ng Meralco kaya dapat lang na hindi ito balewalain ng kanilang mga kustomer.

Dahil dito, dapat agad magsampa ng reklamo ang pamahalaan laban sa mga opisyal ng Energy Regulatory Commission (ERC) at ilang mga opisyal na nasa likod ng umano’y sabwatan para sa bigtime power rate hike.

Tiwala rin ang mga kongresista na hindi na maipapataw pa ng Meralco ang P4.15 na power rate hike sa kabila ng mga pagbabanta ng brownouts dahil lumabas umano sa oral argument sa SC na walang batayan para sa pagtataas ng singil.

Malinaw umano sa paliwanag ng abogado ng Meralco na wala namang kakapusan sa suplay ng kuryente kaya ang babala nitong brownout ay lumalabas na pera-pera lamang at hindi nakabase sa tunay na isyu ng power supply.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.