Menor,Patay; Ama at Kapatid, Sugatan sa Pamamaril

PATAY ANG isang binatilyo habang sugatan naman ang kanyang ama at 10-anyos na kapatid sa insidente ng strafing sa may Purok Dos, Barangay Manga, Pagadian City.

Sinabi ni P/Supt Julius Munez, hepe ng Pagadian City police station  na nangyari ang pamamaril bandang alas-6:00 ng gabi habang naghahanda na sana para sa kanilang hapunan ang mga biktima.

Kumakahol umano ang aso ng pamilya kaya lumabas ang mag-ama para tingnan kung may bisita silang paparating pero bigla na lamang silang binaril ng mga hindi pa nakilalang armadong salarin.

Dinala sa Zamboanga Del Sur Medical Center ang tatlong biktima at idineklarang dead on arrival ng doktor ang 13-anyos na biktima dahil sa malubhang tama ng bala na tinamo nito sa kanyang ulo.

Ayon kay Munez, napag-alaman nila na nakatanggap ng banta sa kanilang buhay ang pamilya noong nakaraang buwan ng Disyembre mula sa isang hindi nakilalang tao dahil sa agawan ng lupa.

Pinapaalis umano ang mga biktima sa kanilang tinitirahan at binalaan silang may masamang mangyayari sa kanila kung iisnabin ang naturang utos.

Binalewala lamang daw ito ng pamilya dahil wala rin silang ibang mapupuntahan.

Samantala, nilinaw naman ng opisyal na walang kinalaman sa pulitika ang panibagong insidente ng pamamaril na nangyari sa kanyang area of responsibility at tanging personal na galit lamang umano ang dahilan ng insidente.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.