Menor de edad, tinutukan ng baril Magpinsan, Sugatan sa Pamamaril ng Konsehal ng Malabon at 2 Anak

SUGATAN ANG magpinsan matapos umanong barilin ng Konsehal ng Malabon at dalawang anak nitong lalaki habang nakikipaghabulan ang mga una sa unang umaway sa mga ito kahapon ng madaling-araw sa nasabing lungsod.

Ginamot sa Jose Reyes Memorial Medical Center sanhi ng tama ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan si Melvin Andaca, 18, habang nilalapatan din ng lunas sa Tondo Medical Center sanhi ng tama ng .45 na baril sa kanang paa si Ian Andaca, 23, kapwa ng 8th University, Potrero, Malabon.

Nagsasagawa naman ng follow-up investigation ang pulisya laban sa mag-aamang suspek na sina Malabon District 2 Councilor Dado Cunanan at dalawang anak nitong sina Ryan at Rom.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-2 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa Pineapple Rd., Brgy. Potrero, ng nabanggit na lungsod.

Ayon sa mga biktima, napagtripan sila ng isang di-kilalang grupo kung saan pinagtataga ang mga ito at hinampas ng bote dahilan upang kanilang habulin, ngunit hindi nila maabutan.

Dito, bigla na lamang umanong lumabas si Kon. Cunanan na armado ng .45 kalibre na baril at binaril ang matandang Andaca. Sumunod namang lumabas ang magkapatid na Ryan at Rom na kapwa armado ng shotgun.

Dumating naman ang nakababatang kapatid ni Melvin Andaca na si Sherlyn, 16 upang tulungan ang kuya nito.

“Pero, duguan na po ang kuya ko, dumating din sina Mama at Papa, pero tinutukan ako ng baril ni konsehal at sinabihan na ‘wag kaming makialam kundi babarilin niya ang kuya ko,” ani pa ni Sherlyn.

Nang makita ng mag-aamang Cunanan na puro sugat at duguan na ang mga biktima ay saka umalis ang mga ito habang dinala sa mga nabanggit na pagamutan ang mag-pinsan.

Habang sinusulat ang ulat na ito ay hindi pa nagbibigay ng kanilang panig ang mag-aamang Cunanan, kung saan kasalukuyang Acting Vice-Mayor ng Malabon at may plano ring tumakbo bilang bise alkalde sa darating na 2013 elections.

Nakatakda na ring magsampa ng pormal na reklamo ang mga ito sa tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI).

(MARY H. SAPICO)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.