Melai Cantiveros, mas tinilian kaysa kay Kim Chiu sa fashion show!

NALOKA ANG KARAMIHAN sa mga kapatid sa panulat na dumalo sa matagumpay na opening salvo ng Philippine Fashion Week na ginanap sa SMX Function 4 & 5, kung saan ang mga bigatin at sikat na artista ng Bench, Kashieca at Human ang buena manong rumampa plus sangkaterbang sexy at good-looking models.

Dahil sa dami ng sikat na artista, tatlo lang ang talagang tinilian. Isa na nga si Melai Cantiveros na ‘di hamak na tinilian kaysa kina Kim Chiu, Angelica Panganiban, Kathryn Bernardo, Julia Montes at Bea Alonzo.

Habang sa mga lalaki naman, sina Piolo Pascual at Enchong Dee ang most applauded kumpara kina Ejay Falcon, Jake Cuenca, Aljur Abrenica, Rayver Cruz, Borgy Manotoc, Paulo Avelino, Carl Guevarra, atbp.

Present din sa nasabing fashion show ang mga dating beauty queen at sikat na modelo kasama ang kani-kanilang pamilya. Namataan din naming nanood sina Raymond Gutierrez, Phoemela Barranda at Shalala.

MUKHANG TANGGAP NA tanggap ng pamilya ni Rocco Nacino ang comedienne na si Sheena Halili dahil nang rumampa ito sa katatapos na Philippine Fashion Week para sa Bench, Kashieca at Human, kasama at katabi sa upuan ng kanyang mga magulang at kapatid si Sheena na busy sa pakikipagkuwentuhan sa mommy ni Rocco.

All eyes nga ang mga press at inaabangan ang reaksiyon ni Sheena nang rumampa si Rocco and super palakpak at super ngiti. Kitang-kita rin ng lahat na nakati-ngin sa lugar nina Sheena si Rocco habang rumarampa.

Kaya nga kahit super deny pa rin ang mga ito sa real score sa kanila, mukhang hindi na nga friendship ang pinagsasamahan ng mga ito kundi mas malalim pa roon. Kaya naman umamin man sila o hindi, alam ng marami na malaki ang posibilidad na sila na, dahil hindi naman mag-e-effort si Sheena from Pampanga going to SMX para panoorin si Rocco, kung walang something sa kanila. ‘Yun na!

‘DI RAW MAIWASANG tuksuhin ang young actor na si Hiro Magalona at ang batang komedyana na si Kiray sa shooting ng kanilang pelikulang Dead Na Dead Sa U na pinagbibidahan nina Ruffa Gutierrez at Gabby Concepcion.

Nangingiti nga lang daw ang bagong Regal Baby na si Hiro everytime na tinutukso silang dalawa. Tsika ni Hiro na hindi naman daw malayong magkagusto siya kay Kiray dahil bukod daw sa funny ito ay napakaganda pa ng ugali.

Isa raw kasi sa gusto ni Hiro sa babae ‘yung maganda ang sense of humor at maganda ang ugali at lahat daw ito ay tinataglay ni Kiray. Hindi naman daw siya tumitingin sa panglabas na anyo, kundi sa ugali at kung click ba sila sa isa’t isa. Kabog!

WALA RAW KATOTOHANAN ang isyung insecure si Kristoffer Martin sa ibang young actors ng GMA-7, dahil sa sunud-sunod na blessings na dumarating sa kanya. Nagbunga na nga raw ang kanyang matagal nang paghihintay na mabigyan ng sunud-sunod at magagandang proyekto.

Kung saan bukod sa mga shows ng Drama Prince sa GMA-7 na Tween Hearts, Party Pilipinas at Ikaw Lang ang Mamahalin, ay isa na rin ito sa bagong image model ng Hammerhead along with Derrick Monasterio.

Bukod pa sa nakatakda pang i-release ang isang Christmas album na magtatampok sa kanilang mga Tweens, kung saan ire-revive ni Kristoffer ang sikat na sikat na awitin tuwing Pasko na unang pinasikat ni Ariel Rivera, ang “Sana Ngayong Pasko”. Ito daw ang magsisilbing regalo ng mga Tweens sa kanilang mga tagahanga ngayong Pasko.

John’s Point
by John Fontanilla

Previous articleKagawad na abusado!
Next articleLovi Poe at manager, inireklamo ng Startalk TX sa GMA at PAMI!

No posts to display