Media Officer ni Ex-Speaker Nograles, Nagpatiwakal

PATAY NA nang duma-ting sa pagamutan ang media relations officer at pinsan ni dating House Speaker Prospero Nograles matapos na magbaril sa sarili sa Davao City.

Nakilala ang  nasabing biktima na si Victor Rafael Ranada Castillo, 48, may asawa, residente ng Kilometro 7, Lanang, sa lungsod ng Davao na pinaniniwalaang nagbaril sa sarili dakong ala-1:15 ng madaling-araw nitong nakalipas na Martes.

Nangyari ang pagpapatiwakal ng biktima sa No. 12, Sagittarius St., Doña Luisa Subdivision, Ecoland, Davao City.

Si Castillo ay nagtatrabaho rin sa kanyang pamangkin na si Davao City First District Rep. Karlo Nograles.

Base sa pagsisiyasat  ng Talomo Police Station, naglasing ang biktima sa gilid ng bahay ng kanyang kaibigan na si Jose Gabriel Pizzaro, 60.

Pagsapit umano ng ala-1:30 ng madaling-araw ay roon na narinig ni Pizzaro ang putok ng baril.

Nang tingnan niya ang pinagmulan ng putok ay nakita niya na nakahandusay at duguan na ang biktima at may baril sa tabi nito.

Kaagad na isinugod ni Pizzaro ang biktima sa Davao Doctor’s Hospital, ngunit pagdating sa pagamutan ay dead on arrival na ito.

Nagtamo si Castillo ng tama ng bala ng baril sa ulo na siyang dahilan ng agarang kamatayan.

Sinabi ni P/Supt Julius Silagan, chief ng Talomo Police Station na posibleng nagbaril sa ulo ang biktima dahil sa malaking problema sa pamilya.

Samantala, nakita naman ang magnum 357 na Smith and Wesson revolver na may limang mga bala na narekober sa crime scene.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.