Mayor sa Maguindanao, Target 2 Sibilyan, Sugatan sa Pambobomba

NADISKARIL ANG UMANO’Y pananambang sa isang alkalde makaraang dalawang sibilyan ang nahagip ng tumilapong parte ng bomba sa bayan ng Sharif Aguak, Maguindanao kahapon ng umaga.

Sa ulat na nakarating sa Camp Aguinaldo, kinilala ang mga sugatan na sina Alandoni Angko Ampatuan at Bailyn Dading Uy na kapwa isinugod sa Maguindanao Provincial Hospital bunsod ng sugat sa katawan.

Ayon kay Maj. Gen. Anthony Alcantara, kumander ng 6th Infantry Division ng Philippine Army, alas-6:00 ng umaga kahapon nang yanigin ng pagsabog ang isang kalsada malapit sa isang eskuwelahan sa Lab St., Bgy. Poblacion.

Agad namang rumesponde ang otoridad sa lugar kung saan natagpuan ang dalawang biktima na duguan.

Sa pagsusuri, inilagay ng hindi nakikilalang suspek ang bomba na isang 88 mm mortar sa U-Box ng itim na Honda XRM motorcycle na walang plate number.

Ayon kay Alcantara, posibleng puntirya ng mga suspek si Mayor Akhmad Ampatuan ng bayan ng Datu Salibu.

Gayunman, patuloy pang nangangalap ng ebidensiya ang otoridad upang matukoy ang motibo ng pagsabog.

Samantala, naniniwala si Justice Secretary Leila de Lima na pananakot lamang ang naganap na insidente upang guluhin ang unang anibersaryo ng Maguindanao Massacre bukas. (EUNICE CALMA)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.