Mayor na nanapak, ‘di pa rin lusot

DAVAO CITY – WALANG balak ang Palasyo sa pamamagitan ng Department of Interior and Local Government (DILG), na iurong ang imbestigasyon laban kay Davao City Mayor Sara Duterte kahit na maging totoo pa ang mga ulat na iaatras na ng nasapak nitong sheriff na si Abe Andres ang kasong kriminal laban dito.

Katuwiran ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, iba naman ang kasong kriminal sa kasong administratibo na pinag-aaralan ngayon ng DILG na ibabase naman sa magiging resulta ng isinasagawang imbestigasyon ng ahensiya.

Titiyaking masusunod ang tamang proseso at maipatutupad ang batas kahit na ano pa ang estado o political affiliation ni Duterte, ayon kay Valte.

“Sa aking pagkakaalam naman po ay tuloy pa rin, hiwalay naman po ang kriminal, iba rin naman po ang administrative case sa ilalim ng DILG. Nakikita naman po natin na ginagawa ni (DILG) Secretary Jesse Robredo ang nararapat, it’s not a matter of alliance. We will observe the process,” ani Valte.

Si Secretary Robredo ay bumuo ng fact-finding team ng DILG na mag-iimbestiga sa insidente. Sinabi rin ni Robredo na bilang opisyal ng pamahalaan, si Duterte umano ang unang dapat na kakitaan ng pagsunod sa Conduct and Ethical Standards for Public Officials.

Sa kabila naman ng tatlong araw na hindi pagpasok sa kanyang tanggapan, inihayag ni Duterte na mangunguna pa rin siya sa pagtulong sa mga binahang kababayan nitong mga nakaraang araw. (Parazzi Reportorial Team)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.