Mayor at Congressman ng Valenzuela, Nabiktima ng Sindikato sa Patay

REHAS NA BAKAL ang kinasadlakan ng isang ginang na ang modus-operandi ay manghingi ng burial assistance kina Valenzuela City Mayor Sherwin Gatchalian at 1st District Rep. Rexlon Gatchalian sa pamamagitan ng pekeng death certificate, makaraang madakip ito sa mismong opisina ng mambabatas sa Valenzuela City, kamakalawa ng umaga.

Kasong Estafa at Falsification of Public Documents ang isinampang asunto kay Hepsie Santos, alyas “Baby Aquino”, 30, may-asawa, ng # 514 Evangelista St., Brgy. Arkong Bato.

Ayon kay SPO3 Jesus Sagisi, hepe ng Station Investigation Unit (SIU) ng Valenzuela Police, bandang alas-11:30 ng umaga, nagtungo ang suspek sa opisina ng kongresman na may dalang death certificate upang manghingi ng burial assistance.

Nagbigay ng P3,000 ang staff ni Rep. Rex na siya nitong tulong sa bawat namamatayan sa kanilang lugar.

Kinabukasan, dakong alas-10 ng umaga, muli na namang bumalik si Santos sa opisina ni Rex at muli na namang nanghingi ng tulong at iba na naman ang pangalan ng namatayan.

Dahil dito, ipinag-utos ni Rep. Gatchalian na paimbestigahan si Santos hanggang sa mabatid na fake ang death certificate na dala nito at wala namang patay.

Bunga nito, dinakip si Santos at narekober sa kanya ang tatlong tig-iisang libo na ibinigay sa kanya ng staff ni Gatchalian.

Nang beripekahin din ng opisina ni Mayor Gatchalian sa pamamagitan ng City Social Welfare and Development Office, lumalabas na apat na beses nang nakahingi ng P3,000 ang suspek sa kabuuang P12,000. Nakaanim na ulit na ring nakahingi ng ng P3,000 kay Cong. Gatchalian si Santos sa kabuuang P18,000.

Proyekto ng magkapatid na Gatchalian na magbigay ng P3,000 burial assistance sa bawat pamilyang namamatayan sa lungsod. (ROMAN MAGPOC)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.