MAY PINOY, MAY PINOY SA ILALIM NG TULAY NG SAUDI

ISA PO AKO sa nakasaksi sa kalunus-lunos na kalagayan ng marami nating kababayan sa Saudi na naninirahan sa ilalim ng Khandara Bridge. Marami sa kanila ang mga ina at kasama ang kanilang maliliit na anak. Sila ay mga Pinoy na OFW at itinuturing na stranded at in-distress. Sila ay naninirahan sa mga tolda na nasa ilalim ng tulay.

Ilang araw na ang nakakaraan, sapilitan silang pinaalis ng mga pulis at sundalong Arabiano sa ilalim ng tulay. Sabi ng mga sundalo, magsilayas sila roon at hindi raw iyon ang tahanan nila. Ang tahanan daw nila ay ang konsulada ng Pilipinas doon.

Matapos silang mapalayas, sila nga ay nagtungo sa ating konsulada. Pagdating naman nila sa konsulada, hindi sila pinapasok dahil hindi raw sila kayang suportahan ng pamahalaang Pilipino. Dahil dito nilisan nila ang konsulada at nagtungo naman sa deportation area at baka-sakaling paliparin sila pabalik ng Pilipinas. Wala ring nangyari.

Dahil dito, sila’y nagbalikan sa ilalim ng tulay samantalang ang iba ay nagtirik ng matitirhan sa may gilid ng konsulada.

Lahat sila ay nais nang umuwi sa Pilipinas. Ngunit sila’y walang mga pamasahe pabalik. Ano po ba ang puwedeng itulong n’yo sa kaso nila?—Ric mula sa Saudi

TALAGANG HINDI MAGANDA ang kanilang kalagayan. Mistulang mga taong kalye sila o kaya ay mga iskwater sa ibang bansa. Hindi magiging maganda ang imahen ng Pilipinas kung mananatili silang nandyan sa ilalim ng tulay at nadadaanan ng mga motorista araw-araw.

Ipinaabot ko na sa OWWA at DFA ang problemang ito.

Liban dito, ayon sa tanggapan ni Cong. Walden Bello, napasyalan na raw niya ang mga kababayan nating ito at hindi raw siya titigil hangga’t hindi napababalik sa Pilipinas ang mga kababayan na-ting nasa ilalim ng Khandara Bridge.

Sana nga.

LIBRENG PAYO! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO!

Maaari n’yo ring i-text ang inyong mga katanungan na may kinalaman sa OFW o iba pang usaping legal sa:

PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users)

O kaya’y mag-e-mail sa omecandazo@yahoo.com

Ayuda sa OFW
By Ome Candazo

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.