May bukas pa para kay Maricar Reyes

Pagkatapos masangkot sa sex video scandal, mukhang nakaahon na mula sa malalim na putik ng isyu si Maricar Reyes. Sa kanyang pagbabalik telebisyon at pagganap sa May Bukas Pa, inaasahan na marami ang magtataas ng kilay. Alam din kasi ng karamihan, na maliban kay Katrina Halili, kasama rin si Maricar sa ilang mga video ni Hayden Kho na parang virus na patuloy na kumakalat sa Internet at pati na rin sa mga bangketang bentahan ng mga piratang CD at DVD.

Ito na kaya ang pahiwatig ni Maricar upang basagin ang kanyang katahimikan tungkol sa isyu? Hindi rin kasi maikakaila na lalo lang nakatawag ng pansin ang pag-iwas o pagtatago ni Maricar mula nang pumutok ang kontrobersiya.

Nais papurihan ng manunulat na ito ang pagbabalik-telebisyon ni Maricar dahil nangangahulugan ito na maaaring nakabangon na siya mula sa isang pagkakalugmok. Dala ni Maricar ang katatagan at katapangan na humarap muli sa mga mapanghusagang mata ng publiko.

Una sa lahat, hindi gusto ni Maricar na lumabas sa publiko ang mga sex video na ‘yun. Pangalawa, naniniwala ako na bahagi na ng kanyang nakaraan kung anuman ang nangyari sa kanya noon. Puwedeng magbago ang isang tao. At sa proseso ng pagbabagong ito, maaaring ayusin at pagbutihin ng isang indibidwal ang kanyang sarili mula sa isang bulilyasong nakaraan. Kahit nga ang mga preso,  puwedeng magbago at magsimulang muli ng isang bagong buhay. ‘Ika nga ng marami, “second chance”.

Nakatutuwang isipin ang kahalagahan ng kanyang role sa May Bukas Pa bilang isang taong-grasa na inaalipusta at pinangdidirihan ng mga taong mapanghusga dahil sa kanyang maruming hitsura, masangsang na amoy, at kakaibang pagkatao.

Maihahalintulad ito sa kanyang pinagdadaanan sa tunay na buhay kung saan siya’y hinuhusgahan, kinukutya, at pinandidirihan maging ng mga kaibigan at kakilala.

Subalit sa kabila ng lahat, nakayanan niyang lampasan ang mga pagsubok at magbalik tulad ng pagtulong na gagawin ni Santino ng May Bukas Pa, isang pagtulong at pag-unawa sa isang taong grasa. Ang taong grasa rin naman ay taong may pakiramdam at marunong masaktan, naiintindihan ni Santino na mayroon lang malaking dahilan na nagtulak dito upang maging taong grasa.

By: Digital Manila

loading...

2 thoughts on “May bukas pa para kay Maricar Reyes

  1. Pingback: Maricar Reyes Showbiz News : Maricar Reyes

Leave a Reply

Your email address will not be published.