May-ari ng Paupahang Bahay, Binoga ng Boarder

PATAY NA nang datnan ng mga kinauukulan ang may-ari ng isang paupahang bahay matapos barilin ng kanyang boarder sa 56 Area H, Parola Compound, Tondo, Maynila kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang salarin na si Henry Hareto na umano’y taga-Samar at halos isang taon nang nangungupahan sa bahay ng biktimang si France Neil Barrientos.

Base sa salaysay ng live-in partner ng biktima na si Thelma Tampus, matagal na nilang pinoproblema ang hindi pagbabayad ng upa ng salarin.

Kapag sinisingil aniya ito, madalas itong magbiro sa biktima na magbarilan na lang sila.

Lasing umanong umuwi ang biktima at nagbirong patayin na siya ng suspek na agad namang kumuha ng sumpak at pinaputukan ito.

Sinabi ni PO3 Alonzo Layuga ng Manila Police District (MPD) Homicide Division na nagtamo ng mga tama ng bala ng sumpak ang biktima sa kanyang kanang tagiliran at braso na siyang ikinasawi.

Mabilis namang tumakas si Hareto matapos ang pamamaril.

Samantala, nana-nawagan si Tampus sa kaanak ni Barrientos na nasa General Santos City na makipag-ugnayan sa MPD para sa paglalagak ng labi nito.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.