Maximum Withdrawal sa ATM, liliitan

PINAG-AARALAN NA ng mga bangko na mas liitan pa ang withdrawal limit sa automated teller machines (ATM).

Ito’y isa lamang sa naiisip ng mga bangko na solusyon para mapigil ang kaliwa’t kanang modus sa pagnanakaw gamit ang mga ATM.

Nabatid na umabot sa P220 milyon ang nanakaw noong 2013 sa pamamagitan ng iba’t ibang modus sa ATM.

Base sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na pinamumunuan ni Sen. Grace Poe, ipinakita ng kinatawan ng mga bangko sa bansa ang ilang gadgets na ginagamit ng mga magnanakaw sa ATM.

Sa ipinakitang gadget ni BPI Vice President Miguel Bernabe, ikinakabit ang isang “skimming plate” sa ibabaw ng orihinal na plate o iyong keypad ng ATM.

Kapag nag-type na ang ATM user ng kanyang personal identification number (PIN), awtomatiko itong nakokopya ng “skimming plate.”

Ayon naman kay Vice President for Operations of Bancnet Rene Natividad, unti-unti nang babaguhin ng mga bangko ang mga ATM card.

Lalagyan din aniya ito ng magnetic stripe card kapareho ng nakalagay sa mga Euro Mastercard Visa sa layong masugpo ang ATM fraud. Ito aniya ang uso ngayon sa iba’t ibang bansa.

Inihayag din ni Natividad na matatagalan pa bago tuluyang maipatupad ang chip based system sa mga ATM card dahil mahal ang presyo nito.

 (PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.