Matt Evans, sa kulungan nag-birthday!

MALUNGKOT NA nag-celebrate ng kanyang birthday si Matt Evans sa piitan. Personal na nagpunta ang Pinoy Parazzi sa isang presinto sa Pasig para tutukan ang issue. Si Matt Evans na produkto ng Pinoy Big Brother Teen Edition ng Channel 2 ay ipinanganak noong October 22, 1986.

Dalawang gabing natulog si Matt sa piitan dahil sa mga kasong Physical Injury in relation to Violence Against Women at Slight Physical Injury na isinampa ng kanyang live-in partner na Jhonelline Hickins at ng kapatid nitong si Juan.

Pilit na nagtangka ang Pinoy Parazzi para kausapin sina Jhonelline at Juan, pero parang mga rebulto ang mga ito na walang naririnig at nakikita tila kami ay nakikipag-usap lang sa hangin, samantalang si Matt naman ay iwas na iwas din.

Alas-11:15 ng umaga nang ma-inquest si Matt. Mula presinto, isinakay ng mobile ang aktor patungong Pasig City Hall of Justice upang doon ay pormal na maisampa ang kaso sa binata nang kapapanganak lang na live-in partner, na may pasa ang mukha noong umagang iyon. Bago pa lumabas sa piitan si Matt, patungong city hall, nagdatingan ang mga road manager ng ABS-CBN, at doon na ay naramdaman namin na magkakahigpitan at imposibleng ma-interview namin ang binata na siya ngang nangyari .

Unang dumating sa tanggapan ng piskal-ya si Atty. Gerely Rico at noong hapon na ay si Atty. Joji Alonzo naman. Saktong alas-4:50 na nang makalaya si Matt dahil nagpiyansa ito, subalit nanatiling tikom ang bibig ng aktor sa kung anong tunay na dahilan at nagkaroon sila ng pagtatalo ng live-in partner. Pero kung paniniwalaan ang nasagap naming tsika, napikon na raw ang aktor sa ugali ng live-in partner na sa tuwing sila ay mag-aaway ay nagtatangka itong magpakamatay.

 

AYAW ENTERTAIN-IN ni Derek Ramsay ang panibagong “pambubuwisit” sa kanya ng Channel 2 matapos na magpa-reedit ang nasabing TV network ng bagong trailer para sa pelikulang A Secret Affair na hindi makikita ang mukha ng aktor.

Ayon kay Derek, mas nakapokus ang kanyang attention sa maraming magagandang bagay. “Nakita ko ‘yun, at du’n na rin natapos ‘yun, dahil ayokong isipin ‘yung mga bagay na negative.”

Masaya naman si Derek dahil ang dalawang premier night (Glorietta at Megamall) ng pelikula nila nina Andi Eigenman at ni Anne Curtis ay dinumog ng mga tao.

Sabi ni Derek, maipagmamalaki niya ang pelikula dahil obvious na pinagbuhusan ito ng panahon. “Sulit naman ang paghihirap namin kaya sana panoorin ito ng mga tao. Sa first day, maglilibot kami nina Andi at Anne sa mga sinehan…”

Samantala, inamin nina Andi at Anne na kinausap sila ng kanilang mother studio na ABS-CBN at ipinaliwanag sa kanila ang tunay na dahilan kung bakit nag-reedit sila ng trailer ng pelikula at naintindihan naman daw ng dalawang dalaga ang rason.

“Much better to don’t talk about it na lang sana. Kasi maganda naman ang movie and I’m sure panonoorin ito ng mga tao,” sabi ni Anne na sinusugan agad ni Andi.

 

NANIBAGO KAMI kay Cristine Reyes. Hindi na siya ‘yung Cristine na kilala namin noon. Mabait at laging may nakahandang ngiti sa tuwing kami ay magkikita. Oo, tama! Nag-iba na nga yata ng ugali ang aktres dahil noong makita namin ito sa MoA Atrium para sa isang product event, hindi na siya ang kaibigan naming madaling kausapin. Parang gusto naming paniwalaan si Ara Mina na ang nakababatang kapatid niya ay nagpi-feeling superstar na ngayon.

Ayaw naming isipin na totoo ngang pumasok na sa utak ng dalaga ang kayabangan. “Akala kasi ng iba, sinisiraan ko lang ang kapatid ko. No, hindi ko siya sinisiraan. Kaya lang ako nagsasalita nang ganito, dahil gusto ko siyang bigyan ng lesson na mali ang mga pinaggagawa niya sa buhay. Kung kami nga na pamilya niya ay nagagawa niyang apak-apakan, what more ‘yung mga taong hindi niya kaanu-ano?” sabi ni Ara nu’ng huling makausap namin ito.

Nasaksihan namin ang pagbagsak at pag-angat ni Ara sa showbiz, pero sa totoo lang ang layu-layo ni Ara kay Cristine. Hindi pa nga naabot ni Cristine ang kasikatang natamo ni Ara pero mas nakaapak pa rin sa lupa ang mga paa ni Ara kumpara kay Cristine.

“Bata pa lang ‘yan, sakit na ng ulo namin ‘yan at naging mas lalong lumala ngayong akala niya sa sarili niya ay sikat na sikat na siya,” pagwawakas ni Ara na mas pinaniniwalaan namin ngayon matapos makaharap naming muli ang bagong Cristine.

 

More Luck
by Morly Alinio

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.