Matapos pagnakawan Chinese National, Nilagare Na Sa Leeg, Pinukpok Pa sa Ulo

 

GINILITAN NG leeg at pinukpok pa sa noo at tainga ang isang Chinese National na ikinamatay nito ng hindi nabatid na dami ng suspek matapos pagnakawan sa Caloocan City kahapon ng umaga.

Kinilala ng Caloocan PNP ang biktima na si Andy Wang, 28, may-asawa at manager ng Wei Dynamic Service Center at residente  Macabagdal St., ng nabanggit na lungsod.

Base sa pinagsamang imbestigasyon nina PO2 Cesar C. Garcia at PO2 Elmer Pangan, mga imbestigador ng Station Investigation and Detetive Management Branch (SIDMB) ng Caloocan Police at mga may hawak ng kaso, dakong alas-6 ng umaga nang maganap ang nasabing insidente sa loob ng warehouse ng Wei Dynamic Service Center na matatagpuan sa Macabagdal Street.

Lumalabas sa pagsisiyasat ng pulisya, isang Anna Wei, kamag-anak ng namatay na biktima ang nakakita sa bangkay ni Wang sa loob ng nasabing warehouse.

Kaagad na ipinagbigay-alam ni Wei sa pulisya ang naganap sa kanyang kamag-anak at kaagad namang nagsagawa ng imbestigasyon sina PO2 Garcia at PO2 Pangan.

Nabatid na ang lalamunan ng biktima ay nilagare ng lagareng bakal at may nakita pang malaking sugat ang noo at kanang tainga nito na may posibilidad na pinukpok ng matigas na bagay.

Napag-alaman pa na nawawala ang cellphone ni Wang at sinira pa ng mga suspek ang vault sa loob ng warehouse.

May hinala ang pulisya na pagnanakaw ang motibo ng pagkakapaslang sa biktima at may palagay pa rin na inside job ang naganap na insidente.

Sa kasalukuyan ay nagsasagawa ang Caloocan PNP ng manhunt operation laban sa mga suspek para sa ikadarakip ng mga ito sa lalong madaling panahon.

(ROMAN MAGPOC)

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.