Matapos manutok ng baril “NBI” HINULI NG TANOD

RIZAL – INARESTO NG mga aktibong barangay tanod ang isang transport operator matapos na magpakilalang ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) at tutukan ang isang motorista sa Antipolo City.

Kinilala ni Antipolo City Chief of Police P/Supt. Rodino Elfa ang suspek na si Emeterio de Guzman Jr, 29 anyos, residente ng Oliveros st., Brgy. Cupang,ng nasabing lungsod.

Ang suspek ay inireklamo ni Loel Villantes, 35 anyos, binata, residente naman ng Dela Costa st., Brgy. Baranka, Marikina City.

Sa ulat, naganap ang insidente dakong alas-8:30 kamakalawa ng gabi sa kahabaan ng Saint Ignatius st., Maria Corazon, Brgy. Cupang, Antipolo City.

Nabatid na sakay ng kanyang motorsiklo si Villantes nang biglang harangin ng suspek na sakay rin ng motorsiklo sabay tutok ng baril na kalibre .45 kasunod ng pagpapakilalang miyembro siya ng NBI.

Dala ng takot at pagkabigla ay biglang hinarurot ng biktima ang kanyang motorsiklo kung saan ay hinabol pa siya ng suspek.

Pagsapit sa barangay hall ng Brgy. Cupang ay tumigil si Villantes at kinompronta ang suspek sa panunutok sa kanya sa kaharap ang ilang barangay tanod.

Nang hanapan ng mga barangay tanod ng katibayan na kasapi ng NBI ang suspek ay wala itong maipakita kung kaya’t agad na dinis-armahan  si de Guzman saka dinala sa himpilan ng pulisya.

Ang suspek ay sinampahan ng kasong usurpation of authority at gun tooting habang inaalam pa kung mayroong lisensiya ang baril at may permit to carry ito.

(GIGI CONVOCAR)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.