Matapos magtalo dahil sa kalasingan MISTER TINARAKAN NG KAINUMAN

SUGATAN ANG ISANG mister matapos itong undayan ng saksak ng kanyang kainuman nang magtalo ang mga ito sa hindi malamang dahilan nang masobrahan sa ininom na alak sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.

Ginagamot ngayon sa President Diosdado Macapagal Memorial Medical Center (PDMMMC) sanhi ng tinamong saksak sa katawan ang biktimang si Rey Gozon, 41, delivery helper at residente ng Block 1, Sawata St., Maypajo ng nasabing lungsod.

Nakapiit naman ngayon sa detention cell ng Caloocan City Police habang nahaharap sa kasong illegal possession of deadly weapon at attempted homicide na si Allan Daban, 34-taong gulang, vendor at kapitbahay ng biktima.

Base sa isinagawang imbestigasyon ni PO2 Edgar Manapat, may hawak ng kaso, naganap ang insidente dakong 10:50 ng gabi sa harapan ng bahay ng pamilya Gozon.

Diumano, unang nakitang nakikipag-inuman ang biktima at ang suspek sa ilang kakilala ng mga ito at makalipas ang ilang oras ng tagayan ay narinig na nagtatalo na ang dalawa sa hindi malamang dahilan.

Habang nasa kainitan ng pagtatalo nang bigla na lamang bunutin ng suspek ang dalang patalim at inundayan ang biktima na tinamaan sa katawan habang nanghingi naman ng tulong sa mga barangay tanod ang mga kaanak ni Gozon.

Inabutan naman ng mga barangay tanod ang suspek na hawak pa ang gamit na patalim kaya’t agad itong inaresto habang isinugod naman sa nabanggit na pagamutan ang biktima kung saan ito patuloy na ginagamot.

(MARY H. SAPICO)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.