Matapos magpagamot ng namamagang lalamunan Dalagita, Nabuntis ng Manyakis na Albularyo

SWAK SA kulungan ang manyakis na albularyo matapos itong ireklamo ng magulang ng 17-anyos na dalagita nang ipagamot ng huli sa una ang kanyang anak dahil sa karam-daman sa namamagang lalamunan, ngunit bigla na lamang nitong tinangay ang dalagita hanggang sa mabuntis, kamakalawa ng hapon sa Caloocan City.

Nakapiit ngayon sa detention cell ng Caloocan Police at nahaharap sa kasong Consented Abduction ang suspek na si Armando Guaño, 41, faith healer, ng No. 64 Libis Espina St., Caloocan City.

Sa reklamo ng ina ng biktimang si Carol, 61, buwan ng Abril nang dalhin nito kay Guaño ang kanyang anak na si Elsa (di-tunay na pangalan), 17, ng Caloocan City, upang ipagamot ang namamaga nitong lalamunan.

Buwan ang makalipas tuluy-tuloy ang gamutan ni Elsa sa suspek na pinupuntahan ito sa kanilang bahay hanggang sa bigla na lang naglaho ang kanyang anak (biktima) pati ang suspek.

Dito, nag-aalala si Carol sa kanyang anak kung saan na ito napunta at kung ano ang nangyari rito. Sa pagtatanung-tanong nito ay kanyang natunton ang pinagtataguan ni Guaño.

Agad na humingi ng tulong si Carol sa pulisya upang tumungo sa Banahaw, Quezon City kung saan dinala ng suspek ang biktima.

Pagdating sa naturang lugar, hindi na nagawa pang makatakas ng suspek matapos itong posasan ng mga pulis at dinala sa nabanggit na himpilan ng pulisya at sinampahan ng naturang kaso.

Halos hindi naman makapaniwala si Carol sa sinapit ng kanyang anak at mangiyak-ngiyak ito dahil bukod sa nagdadalantao ito ng higit sa isang buwan ay hindi rin normal kapag kinakausap.

“May nakikita po akong lalaking nakalutang. Sabi po ni Armando (suspek) espiritu at kausapin ko raw. Hindi ko naman ito kinakausap kasi nakalutang ang mga paa,” ani pa ni Elsa.

May hinala naman ang mga magulang ng biktima na ginayuma ito ng suspek. (MARY H. SAPICO)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.