Matapos Looban; Negosyanteng Taiwanese, Dinukot

MATAPOS LOOBAN ANG pabrikang pag-aari ng isang Taiwanese national, dinukot pa ito ng mga hindi kilalang kalalakihan kamakalawa ng hapon sa Valenzuela City.

Nagsasagawa ngayon ng follow-up operation ang mga operatiba ng Police Anti-Crime Emergency Response (PACER) upang matukoy kung saan dinala ng mga suspek ang biktimang si Ying Ching Chang, 29-anyos, may-asawa, negosyante at naninirahan sa # 237 De Guzman St., Brgy. Parada ng nasabing lungsod.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-2:16 nang pasukin ng mga suspek ang Luton Trading na matatagpuan sa # 20 Catmon cor. Malabo St., Brgy. Maysan na pag-aari ng biktima.

Puwersahang pinasok ng apat na hindi kilalang mga suspek ang pabrika at itinali ang paa at kamay ng tatlong factory worker na empleyado ng biktima at bago tumakas ay isinama si Chang sakay sa kulay green na Mitsubishi Adventure na hindi nakuha ang plaka at tangay rin ang malaking halaga ng pera, alahas, laptop at iba pang mahahalagang gamit ni Chang.

Isa sa mga tauhan ng biktima ang nakakalas sa pagkakatali at agad na tumawag sa himpilan ng pulisya upang ipaalam ang pangyayari. (MARY H. SAPICO)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.