Matapos ilaan ang panahon kay Dolphy
Zsa Zsa Padilla, sariling karamdaman naman ang aasikasuhin

TINAPOS NA rin ni Zsa Zsa Padilla ang pelikula niya sa Unitel na I Do Bidoo Bidoo. Siya na raw mismo ang nagpasabi sa production staff na puwede na siyang bumalik sa shooting para matapos na ang pelikula.

Nahihiya na raw siya dahil na-move na nga raw ang playdate dahil siya lang ang hinintay. Alam daw niyang maiintindihan ‘yun ni Dolphy dahil gusto naman niyang maging professional pagdating sa trabaho. At kahit ano pang pinagdaanan mo, dapat ‘the show must go on’, ‘ikanga.

Magpu-promote na nga ngayon si Zsa Zsa at bumalik na ito sa ASAP kahapon. Doon na rin niya ipinakita ang tattoo niya.

Hindi ko kasi napanood ang ASAP kahapon. Siguro nakita ‘nyo naman kung saan siya nagpa-tattoo at sabi niya, ‘yun daw ang tribute tattoo niya kay Mang Dolphy. Very personal daw ‘yun na bale iyon ang bonding nila ng Comedy King.

Medyo emotional nga si Zsa Zsa sa presscon ng I Do Bidoo Bidoo lalo nang napag-usapan ang tungkol sa kanyang pag-move on.

Kuwento ni Zsazing, nu’ng Biyernes daw ang isa sa pinakamahirap sa kanya nu’ng mag-grocery ito. Dati siyempre, nabibili niya ang mga gamit para kay  Dolphy, ngayon hindi na. Kaya nami-miss niya talaga ito.

Ang nagpapabigat pa ngayon kay Zsa Zsa itong sakit niya na kailangan niya palang mag-check-up sa Amerika for second opinion.

Matagal na ‘yang naikuwento sa akin noon ni Zsa Zsa, pero siyempre naka-focus siya noon kay Dolphy na labas-masok ng hospital. Halos pareho kasi ang findings nang magpa-check-up na merong nodules daw sa kidney niya. Hindi lang niya ito maasikaso para maipagamot, dahil nga nakatutok ito sa pagbabantay kay Dolphy.

Kaya hindi na raw matutuloy ang trip niya pa-Holy Land dahil isasama siya ni Dra. Vicki Belo pa-Amerika. Kasama siya sa launching ng bagong gamot ng Obagi ng Belo Medical Group, at doon ay magpapatingin na rin daw siya sa Urologist doon ni Dolphy para ma-check na rin talaga itong sakit niya.

Malaki nga ang pasasalamat niya kay Dra. Belo dahil siya na ang sasagot sa papa-check-up nito. Ang panalangin lang ni Zsazsa, na sana huwag naman daw ganu’n kalala at hindi na aabot sa ooperahan pa siya.

Hindi raw niya maisip na siya na naman ang babantayan ng mga anak niya. “Nakakaawa naman sila. Ayoko namang umabot sa ganu’n dahil katatapos lang nilang bantayan ang Papa nila, tapos ako naman. Huwag naman sanang ganu’n kalubha,” mangiyak-ngiyak na pahayag ni Zsa Zsa.

Nakakaawa nga naman. Kaya muling humihingi si Zsa Zsa na sana tulungan naman daw silang magdasal uli na malagpasan niya ito.

Sana nga! Tutulong talaga ako sa pagdasal na sana nga gumaling na si Zsa Zsa at hindi ganu’n kalala itong karamdaman niya.

Ang alam ko nga, balak din niyang magpa-stem cell, eh. Ewan ko lang kung ano ang dahilan bakit hindi na siya matutuloy.

Anyway, sa August 29 na pala ang showing nitong I Do Bidoo Bidoo ni Zsa Zsa kasama sina Gary Valenciano, Ogie Alcasid at Eugene Domingo.

 

IN FAIRNESS, parang ang bagay nang tingnan nina Elmo Magalona at Julie Anne San Jose, ha! Madalas kasi silang magkasama ngayon dahil abala sila sa promo ng pelikula nilang Just One Summer na sa August 15 na pala ang showing nito.

Nu’ng nag-guest sila sa Startalk nu’ng nakaraang Sabado, magkasama silang gumawa ng fan signs na tinu-tweet ng mga fans nila. Nakakaloka dahil talagang binaha sila ng request pero pinagbigyan nila ito at talagang nagtiyaga silang gumawa ng fan signs para matuwa naman ang supporters nila. Lalong dumami ang mga followers kaya sana nga suportahan sila nang husto sa pelikula nila.

Napanood ko nga ang trailer, ang cute naman at may ilalaban naman ito sa takil-ya. Kaya dapat sugod lahat ng fans nila sa first day of showing pa lang nitong Just One Summer.

Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.