Matapang na Lasing, Naratrat ng mga Parak

“PATAY KUNG patay, lalabanan ko kayo!” Ito ang nanggagalaiting sinambit ng isang lalaki bago bumunot ng baril at makipagpalitan ng putok sa mga nagrespondeng pulis matapos na tangkaing patayin ng una ang kanyang kapitbahay sa Malabon City kamakalawa ng hapon.

Si Eric Cardiente, 31, ng # 101 Acero St., Barangay Tugatog ng nabanggit na lungsod ay nasa kritikal na kalagayan sa East Avenue Medical Center sa Quezon City sanhi ng tinamong tama ng bala ng bril sa dibdib, kaliwang tuhod at kaliwang kamay.

Sa ginawang imbestigasyon ni SPO1 Jerry Dela Torre ng Crime Investigation Section ng Malabon City Police Station at may hawak ng kaso,bandang alas-12:30 ng hating-gabi nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Acero Street.

Base sa imbestigasyon, bago mabaril Cardiente ay lasing itong nagwawala at gusto umanong saksakin ang kanyang kapit-bahay na nakilalang si Rolando Movida matapos makasalubong sa naturang lugar, subalit nagawang makatakbo ng huli at makahingi ng tulong sa mga nagpapatrolyang pulis na sina PO3 Ariel Pentecostes at PO1 Richard Acojodo na pawang nakatalaga sa Police Community Precinct 4.

Agad na rumesponde ang dalawang pulis subalit nang mamataan ni Cardiente ay agad umanong binunot nito ang .38 caliber na baril sa kanyang tagiliran dahilan upang agad ding bumunot ang mg pulis at unahang putukan si Cardiente na nagresulta sa pagkakahandusay nito sa kalsada.

Matapos ang insidente, isinugod ang naghihingalong si Cardiente sa Tondo Medical Center bago inilipat sa EAMC.

Samantala, narekober ang ginamit nitong baril at patalim habang isinuko naman nina Pentecostes at Acojodo ang kanilang service firearm  sa kanilang superior upang isailalim sa imbestigasyon.

 (ROMAN MAGPOC)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.