Matandang Binata, Patay sa Titigan

BINARIL AT napatay ang isang 59-anyos na lalaki ng isang hindi nakikilalang salarin makaraang magkatitigan umano ang mga ito habang magkasalubong na naglalakad sa Caloocan City, iniulat ng pulisya kahapon ng umaga.

Walang buhay na idinating sa Pres. Diosdado Macapagal Memorial Medical Center ang biktimang si Ernesto Santarin, 59, binata at kasalukuyang naninirahan sa # 273 Libis Espina St., Brgy. 18, Caloocan.

Mabilis namang tumakas ang hindi nakikilalang suspek matapos na mapatay nito ang biktima at sa kasalukuyan ay nagsasagawa na ang Caloocan PNP ng paghahanap sa suspek.

Base sa ulat ng pulisya, bandang alas-7 ng gabi nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Sabalo St., Brgy. 12.

Nabatid na magkasalubong na naglalakad ang biktima at ang suspek nang magkatitigan nang masama ang mga ito dahilan upang kumprontahin ng huli si Santarin na humantong sa kanilang pagtatalo.

Habang nasa kainitan ng pagtatalo ng dalawa ay biglang bumunot ng hindi nabatid na kalibre ng baril ang suspek at saka pinutukan ng isang beses ang una na tinamaan sa kanang balikat na naglagos sa katawan ng biktima.

Matapos ang pamamaril ay nagdudumaling tumakas ang salarin sa hindi nabatid na direksiyon dala dala ang ginamit na baril.

Kaagad namang dinala ng ilang residente sa nasabing lugar ang biktima sa nasabing pagamutan subalit sa daan pa lamang ay nalagutan na ng hininga. (ROMAN MAGPOC)

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.