Matandang Babae, Kritikal sa Pag-awat sa Mag-amang Kapit-bahay

AGAW-BUHAY NGAYON sa pagamutan ang isang matandang babae nang mabaril ng kanyang kapitbahay habang umaawat sa pag-aaway ng suspek at ng kanyang anak sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.

Ang biktima na kasalukuyang inoobserbahan sa Pres. Diosdado Memorial Medical Center sanhi ng tama ng bala sa kaliwang bahagi ng ulo ay nakilalang si Eriquita Apostol, 62,may-asawa at residente ng # 30 Maligaya St., Brgy.147 Bagong Barrio ng nabanggit na lungsod.

Samantala, nakilala ang tumakas na suspek na si Mermetrio Ordillos, Sr., 38, kapitbahay ng biktima.

Base sa ulat ng Caloocan PNP, dakong alas-6:00 ng gabi nang maganap ang nasabing insidente sa kahabaan ng Maligay St., Brgy. 147.

Nabatid na naglalakad ang biktima sa nasabing lugar nang madaanan nito ang suspek at ang anak nitong si Junior na nag-aaway.

Inawat umano ng biktima ang nag-aaway na ikinairita ng matandang Ordillos kaya binunot nito ang hindi nabatid na kalibre ng baril at pinutukan nito ang biktima na tinaman sa gawing kaliwang bahagi ng ulo.

Nang makita ng suspek ang matandang babae na duguang nalugmok sa kalsada ay mabilis itong tumakas sa hindi nabatid na direksiyon.

Kaagad namang dinala ng ilang kalugar ang biktima sa nasabing pagamutan kung saan ito ay nasa malubhang kalagayan.

 (ROMAN MAGPOC)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.