Masiao at Jueteng sa Region 2 at Iba Pa, Laganap

HINDI MAPIGIL NI PNP Chief Director General Raul Bacalzo ang talamak na operasyon ng mga iligal na pasugalan sa buong Region 2 at iba pang lugar sa Mountain Province na umano’y pinatutupad ng mga tauhan ng mga gambling lord na malapit sa administras-yong Aquino.

Ayon sa nakalap na impormasyon ng Pinoy Parazzi, isang nagngangalang Roger C. na tauhan ng isang lord of the gambling lord na malapit sa Pangulo ang siyang namamayagpag na nagpapasugal ng Masiao at Jueteng sa Nueva Vizcaya, Cagayan, Tuguegarrao City, Quirino at 1st at 2nd district ng Isabela, samantalang ang 3rd at 4th district naman ng Isabela raw ay isang bise alkalde na si Jose Bentot Panigan ang siyang nagpapatupad ng nasabing iligal na sugal.

Napag-alaman pa na walang takot itong si Roger sa pagpapatupad ng kanyang iligal na gawain dahil nasa likod naman daw nito ang maimpluwensiyang gambling lord na dikit sa administrasyong Aquino.
Nais manawagan ng mga residente, iba’t ibang civic organization at ng Simbahang Katoliko kina PNP Regional Director Francisco Villaroman, PNP Provincial Director Mao Aplasca ng Cagayan at Tuguegarao City, PNP Provincial Director S/Supt. Elmer Beltajar ng Nueva Vizcaya, PNP Provincial Director S/Supt. Delfin Milo ng Quirino Province at PNP Provincial Director S/Supt. Jimmy Uy Rivera na magsagawa ng agarang aksyon at ipahinto ang mga iligal na aktibidades sa kanilang mga nasasakupan.

Nais ding iparating ng mga ito kay PNP Chief Director General Raul Bacalzo na panahon na para ipatupad nito ang ‘one-strike’ policy ng PNP sa sinumang mahulihan  na  may mga  pasu-galan sa kanilang nasasakupang lugar lalung-lalo na sa kontro-bersiyal na sugal na Jueteng na umano’y matagal nang ipinaglalaban na maalis ni Lingayen-Dagupan ex-bishop Oscar Cruz.
Hinahamon ng mga taong bayan ang mga nabanggit na opisyal ng PNP na kung talagang malinis ang kanilang konsensiya na sinasabing hindi sila tumatanggap ng limpak-limpak na payola sa mga nabanggit na iligal na sugal, isang salita lamang nila ay dagling maipatitigil ang iligal na mga sugal na Masiao at Jueteng na malinaw na dinadaya pati ang Philippine Charity Sweepstakes Office.

Pinagmamalaki pa ni Roger C. na hindi raw kayang patigilin umano kahit ni Bacalzo ang kanilang iligal na pasugalan gawa ng malakas daw ang kapit nila sa administrasyong Aquino at sa mga empleyado ng PCSO.

Nais ding manawagan ang iba’t ibang opisyal ng gobyerno sa tanggapan ng PCSO na imbestigahang mabuti ang kanilang mga   empleyado  na umano’y kasabwat sa nangyayaring mga iligal na pasugalan gamit ang kanilang ahensiya.

(Pinoy Parazzi Investigative Team)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.