Masaya sa kanilang relasyon Christopher de Leon at Sandy Andolong, hindi maghihiwalay!

NAKU! AKO NA ang sasagot nitong lumabas na balitang hiwalay na raw sina Chirstopher de Leon at Sandy Andolong.

Siyempre, mga alaga ko sila kaya alam ko ang mga nangyayari sa kanila lalo na’t marami pa akong mga alagang mag-asawa at madalas ay nandiyan ako para makialam kung nagkakaproblema sila.

Kaya alam na alam ko kung may problema sila o aabot na sa hiwalayan!

Hindi po talaga totoong hiwalay na sina Boyet at Sandy!

Natawa nga si Sandy nang nakarating ito sa kanya at kaagad tinawagan si Boyet na nagti-taping nu’ng kausap namin ito nu’ng kamakalawa lang.

Ang sabi na lang ni Boyet, hindi ‘yun totoo at hindi sila mapaghihiwalay.

Sabi rin ni Sandy, sa loob ng 32 years na pagsasama nila, ang dami na nilang napagdaanan at ngayon pa ba sila bibigay? Never na raw silang mapaghiwalay dahil masaya sila sa kanilang relasyon kasama ang kani-lang mga anak at apo.

Totoo naman iyan! Malabo talaga.

Nagtataka nga ako bakit may lumabas na ganu’ng balita gayong halos silang dalawa ang magkasama sa trabaho nila.

Alam n’yo bang magkasama sila sa dalawang drama series ng ABS-CBN 2?

Regular si Sandy sa Doha at may special guest appearance doon si Boyet. Si Boyet naman regular sa Padre de Pamilia at may guest appearance din si Sandy.

Kaya halos araw-araw nagkakasama sila sa taping. Nagkakahiwalay lang kapag nasa taping si Boyet ng Sa Ngalan ng Ina nila ni Nora Aunor. Pero malapit nang matapos ang taping nu’n dahil magti-taping na si Boyet sa Abu Dhabi para sa Doha.

Kaya siguro tigilan na iyang intrigang iyan. Nagkaroon sila ng problema noon, pero naayos naman at hindi naman nawawala iyan sa mag-asawa. Kaya tapusin na iyan ‘no!

 

SIGURO TAPOS NA rin ang isyu namin ni Lito Camo dahil nakausap ko na siya nu’ng kamakalawa lang dahil sobrang nakiusap ito kina Cristy Fermin na kausapin ako para makapagpaliwanag naman daw siya.

Itinatanggi nga ni Lito na siya ang nagkalat ng balitang ako ang may hawak nu’ng mga pictures ng diumano’y anak ni Manny Pacquiao rito kay Kat Ordoñez at pati ang birth certificate.

Ang sabi niya narinig daw niya ito sa ibang tao ni Manny na ako nga ang tinuturo at tinanong lang daw niya ito sa ibang kasamahan.

Pati ang sinabing utos daw sa akin ni Willie Revillame para siraan si Manny ay hindi rin daw galing sa kanya.

Ang punto ko lang naman diyan, kaibigan niya si Willie at may utang na loob naman siya du’n, sana siya na mismo ang kumontra nu’n dahil kilala naman sana niya si Willie, ‘di ba? Sana pinagtanggol na niya dahil kaibigan niya ito.

Hay, naku! Tinalak-talakan ko pa rin siya.

Pero ayoko na ring pag-usapan na iyan dahil ka-cheapan at lagi na lang ako kasali sa mga isyung pinag-uusapan.

Pero ewan ko lang kung matatahimik pa ako sa Startalk bukas. Abangan n’yo na lang!

Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis

loading...

2 thoughts on “Masaya sa kanilang relasyon Christopher de Leon at Sandy Andolong, hindi maghihiwalay!

Leave a Reply

Your email address will not be published.