Masasamang bisyo sa Navotas, pinababantayan

IPINAG-UTOS KAHAPON NI Navotas City Mayor John Rey Tiangco sa lokal na pulisya na i-monitor na mabuti ang mga masasamang bisyo sa lungsod para hindi maging biktima ang mga mamamayan.

Gusto ni Tiangco na maging ligtas sa anumang uri ng bisyo tulad ng mga iligal na sugal at droga ang mga mamamayan ng Navotas, lalo na ang mga mag-aaral.

“Ayoko ng mga sugal o anumang bisyo na makaka-impluwensya sa mga kabataan, dapat ay may mga kabuluhang bagay silang pagkakaabalahan para mailayo rin sila sa droga,” ani Tiangco.

Ayon sa rekord, karamihan sa mga naitatalang krimen ay nag-ugat sa iligal na droga.

Dahil dito ay hiniling ni Tiangco ang pakikiisa ng mga barangay para masugpo ang paglaganap ng masamang bisyo sa kanilang mga nasasakupan.

Sa kanyang direktiba kay Superintendent Florendo Quebuyen hepe ng Navotas City Police, pinatututukan ng alkalde ang pagpapatupad ng mga ordinansa ng lungsod.

Nagbabala rin siya sa mga opisyal at empleyado ng city hall na huwag makialam o magtangka man lang na mang-arbor sa mga mahuhuling lalabag sa kanilang mga ordinansa.

“Wala akong pakialam kung sino sila o sino pa man ang kanilang aarborin, pantay-pantay lahat sa Navotas, kung lumabag ka, parurusahan ka,” diin pa ng alkalde.

Nananawagan siya sa mga residente na i-report o magsumbong ng kanilang mga reklamo laban sa mga hinihinalang sangkot sa mga iligal na gawain sa kanilang lugar, at mga abusadong pulis o taga-city hall.

Tiniyak ng alkalde na hindi mabubunyag ang pangalan ng mga impormante para na rin sa kanilang kaligtasan.       (ROMAN MAGPOC)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.