Masangsang na Amoy, Sumingaw: Oil Spill sa Ilog Pasig, Bumulaga

BUMULAGA SA mga residente ng Sta. Ana Maynila ang oil spill sa Ilog Pasig dakong alas-10:00 Sabado ng gabi.

Nabulabog ang mga residenteng malapit sa Ilog Pasig sa Sta. Ana at Pandacan matapos sumingaw ang masangsang na amoy dulot ng pagtagas ng langis.

Umabot ang masangsang amoy hanggang sa UN Avenue at Manila Police District Press Office na una nang inuulan ng reklamo dahil sa kakaibang amoy.

Agad namang rumesponde ang mga kinauukulan at sinuyod ang mga nakapaligid na compound sa Pasig River.

Sa pangunguna nina Rick De Guzman, chief of staff ni Mayor Alfredo Lim at Police Supt. Remigio Sedanto, hepe ng Sta. Ana Police, natunton ang pinagmumulan ng oil spill. Ito’y sa isang compound-warehouse sa 2657 Old Panadero St., Sta. Ana.

Sa labas ng warehouse, maraming oil tanker ang nakagarahe pero wala nang tao sa nasabing lugar nang dumating ang mga kinauukulan. Nagkalat na lamang doon ang mga tangke ng bunker fuel.

Sa pag-iikot, nadiskubreng may nasira umanong bahagi ng tubo ng malaking tangke sa loob na tinangka pang ayusin ngunit tumagas na at dumiretso sa ilog.

Napag-alamang diesel ang tumagas na langis sa Ilog Pasig.

Apat na lalaki na sinasabing trabahador sa lugar ang inimbitahan ng mga awtoridad para kunan ng pahayag at siyasatin.

Kinilala naman ang mga ito na sina Eddie Bitonio, Ronaldo Vidania, Juner Intal at Benjie Binggot na pawang nasa MPD Station 6 ngayon.

Ang nabanggit na warehouse umano ay pag-aari ng mga “Enriquez” at may nakapangalang Larain Marketing. Inaalam na kung may permit ang compound.

Dalawa naman ang isinugod sa pagamutan dahil nahirapang huminga dulot ng masamang amoy. Kapwa na stable ang mag-asawang Nevita at Melvin Ramos.

Sinabi ni Gilbert Selestino, pinuno ng Manila Disaster Risk Reduction Management Office na kontrolado na ang sitwasyon sa lugar. Naisara na rin ang valve ng tumagas na tangke.

Naglagay na ng oil spill booms at nag-iikot na ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) para siyasatin ang insidente.

Samantala, kasamang nagtulung-tulong sa pagresonde ang Bureau of Fire Protection (BFP), mga tauhan ng ospital ng Sta. Ana at mga kalapit na istasyon ng pulisya.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.