Mark Herras, ‘di totoong may tama sa baga!

NILINAW NI MARK Herras na hindi naman malala ang sakit niya. Taliwas ito sa napabalitang meron daw itong clot sa kanyang lungs.

Hindi natapos ni Mark ang Party Pilipinas taping na ginanap sa SMX two weeks ago, dahil pagkatapos niyang sumayaw, kinapos na ito nang paghinga.

Dadalhin na sana ito sa hospital pero ayaw naman niya. Kinabukasan ay nagpa-check-up siya at ang sabi raw sa kanya ng doktor, kailangan lang niya ng pahinga. Sabi ng young actor, nagka-heartburn lang daw siya at okay na raw siya ngayon.

Nakapag-Party Pilipinas uli si Mark sa Dagupan nu’ng kamakalawa at todo-sayaw na ito. Pero ang payo raw sa kanya ng doktor ay kailangan talaga nito nang pahinga at tigilan ang paninigarilyo.

Siyempre, worried naman ang Ynna Asistio pero hindi lang nito maiwan ang Party Pilipinas nu’n dahil may number pa siya.

Ngayon ay halos araw-araw ang taping ni Mark sa Diva at meron pa siyang Party Pilipinas. Kaya pagkatapos ng Diva, magbabakasyon daw muna ito.

AS OF PRESSTIME, wala pa akong update kung ano ang nangyari sa hearing nina Katrina Halili at Hayden Kho kahapon ng umaga.

Hindi kasi natapos ang direct examination kay Katrina nu’ng unang hearing nila kaya ipinagpatuloy na nila ito kahapon.

Pagkatapos ng direct examination ng abugado ni Katrina, ang abugado naman ni Hayden na si Atty. Lorna Kapunan ang nagko-cross examine sa kanya.

Wala pa akong nakuhang buong detalye sa hearing, pero dumating naman si Katrina at Hayden at muli silang nagkita.

Si Katrina naman ay matagal na raw niyang nalagpasan ang galit niya kay Hayden. Pero kapag muling binabalikan ang nangyari noon, sumasakit na naman daw ang loob niya. Wala naman daw siyang magawa kundi harapin ang kasong ito dahil nakikita naman daw niyang may linaw na sa kasong ipinaglalaban niya.

Napabalita noon na masama raw ang loob ni Katrina sa GMA-7, pero siguro ngayon ay hindi na niya kailangang mag-emote pa dahil pinapirma naman siya ng kontrata at may bagong show na siya ngayon na pagsasamahan nila ni Heart Evangelista.

TUWANG-TUWA SI MOMMY Carol Santos sa pagkukuwento sa amin kung paano ngayon maglambing si Judy Ann Santos sa kanya na nakatutuwa ang paglilihi.

Kahit saan si Mommy Carol, kapag nag-text sa kanya o tumawag na gusto nitong kumain ng mga pagkaing alam niyang niluluto ng Mommy niya, taranta naman agad si Mommy Carol sa pagbili ng mga ingredients at luto agad siya.

Kahit nasa Alabang pa si Judy Ann, takbo agad daw siya roon para ihatid ang ipinapalutong pagkain ng bunso niya.

“Ang sarap ng feeling na naglalambing na ngayon ang anak mo. Dati naman kasi si Juday, lahat kaya niya at hindi humihingi ng tulong. Pero ngayon, ang daming hinihingi sa akin na naramdaman kong kailangan pa niya talaga ako,” tuwang-tuwang pahayag ni Mommy Carol.

Kaya ang bilis nang paglaki ngayon ni Juday kahit halos tatlong buwan pa lang itong buntis, dahil talagang pagkain ang napagti-tripan nito sa paglilihi.

By Gorgy’s Park

loading...

One thought on “Mark Herras, ‘di totoong may tama sa baga!

Leave a Reply

Your email address will not be published.