Mark Anthony Fernandez, no show at Rudy’s death anniversary


PUNUNG-PUNO ANG DALAWANG chapel ng Heritage Memorial Park, kung saan idinaos ang misa para sa 1st death anniversary ni Rudy Fernandez nu’ng nakaraang Linggo.

Doon mo talaga makikita kung gaano kamahal ng taga-movie industry si Kuya Rudy. Ang dami pa ring nakaalala sa kanya kahit mas gusto ni Lorna Tolentino na intimate lang at pawang mga close friends at pamilya ang makakasama sa pag-alala sa mahalagang araw na ‘yun.

Halos iisa ang komento ng lahat na parang ang bilis ng araw, nakaisang taon na palang hindi natin nakakasama si Kuya Rudy.

Bago nagdaos ng misa, nagkaroon muna ng blessing sa puntod ni Kuya Rudy dahil katatapos lang ng musoleo nito. Konting finishing touches na lang daw, tapos na tapos ito, kaya aayusin pa ito ni LT.

Napansin naming wala roon si Mark Anthony Fernandez. Ilang beses daw itong tinatawagan ni LT, pero hindi raw makontak ang cellphone nito.

Maaaring gusto lang daw nitong mag-isa dahil laging naaabutan daw ni LT na dumadalaw si Mark Anthony sa puntod ng Papa niya nang mag-isa.

Aminado si LT na malungkot siya nu’ng araw na ‘yun. Pagkagising niya nu’ng umaga ng Linggo, doon nag-sink sa kanya na isang taon na siyang biyuda at hindi na nga niya nakakasama si Kuya Rudy.

Hanggang ngayon, hindi pa rin nito naaayos ang mga gamit ni Kuya Rudy. Hinahayaan lang daw niyang nandu’n sa cabinet nila. Hindi pa rin daw niya kayang ayusin ito. “In God’s time, maaayos ko rin ‘yun. Siguro ang ibang gamit niya dadalhin ko rito sa musoleo,” pahayag ng aktres.

Pagkatapos ng babang luksa nito, lilipad ito patungong Dubai kasama si Sen. Jinggoy Estrada. Magkakaroon daw roon ng premiere night ng pelikula nilang Katas ng Saudi at tutuloy pa sila ng Kuwait.

Pagbalik niya, tutuloy siya ng taping sa bagong soap nito sa ABS-CBN 2 at asikasuhin pa raw niya ang pag-aayos ng musoleo.

IPINAKILALA NA SA Showbiz Central ang gaganap na Fernando Jose sa bagong primetime series ng GMA 7 na Rosalinda.

Sa totoo lang, matagal nang pinag-usapang si Geoff Eigenmann na ang gaganap pero nu’ng nakaraang linggo lang daw ito nalaman ng young actor na siya na nga ang napili.

Siya raw ang pinakahuling nakaalam na siya na ang gaganap na Fernando Jose at makakatambal ni Carla Abellana.

Matagal na raw pala itong alam ng Mommy niyang si Gina Alajar, pero hindi pa ito sinasabi sa kanya at baka nga maunsyami pa.

Ngayon, todo na raw ang pag-aaral niya sa karakter ni Fernando Jose. Kasama pa raw niya ang Mommy niya sa panonood ng Mexican soap na Rosalinda para matuto siya kung anong atake ang gagawin sa pagganap niya sa mahalagang role na ito.

Nagpapasalamat si Geoff sa magandang break na ibinigay sa kanya ng GMA 7. Bago sila magsimulang mag-taping, dadaan pa sila sa ilang araw na workshop para magkapalagayan sila ng loob ni Carla.

Sobrang suwerte raw niya at siya ang unang naka-partner ng napakagandang anak ni Rey PJ Abellana.

Kunsabagay, pareho naman silang single kaya hindi malayong magkadebelopan. Pero say ni Geoff, sa trabaho raw muna sila mag-concentrate at sana nga raw, tanggapin ng mga fans ang loveteam nila ni Carla.

by Gorgy Rula

loading...

One thought on “Mark Anthony Fernandez, no show at Rudy’s death anniversary

Leave a Reply

Your email address will not be published.