Maritime patong sa princess Hinahayaan lang na baklasin ang barko

MISMONG ANG PNP Maritime ang nagbibigay ng protection upang maging tuluy-tuloy ang ginagawang pag-chop-chop sa M/V Princess of the Stars na kasalukuyang nasa isang yarda ng isang “Boy Aquario”, sa fishport ng Navotas City.

Ito ang ipinahayag ng i-

lang trabahador mismo sa nasabing barko, ngunit tumangging magpakilala sa takot na mapag-initan.

Nauna nang iniulat na ang M/V Princess of the Stars ay pinalutang mula sa karagatan ng Romblon at dinala sa nasabing yarda, matapos itong mabili sa halagang P95M na umabot na sa halagang P140M dahil ginastusan pa ito ng P45 milyong piso sa pagpalutang at paghatid sa Navotas.

Matatandaan na ang M/V Princess of the Stars ay lumubog noong Hunyo 21, 2008 sa karagatan ng San Fernando, Romblon habang ito ay naglalayag patungong Cebu sa kasagsagan ng bagyong Frank.

Napag-alaman din na ang nasabing barko ay may kargang “endosulfan” o nakalalasong kemikal noong ito ay lumubog.

Sa nasabing insidente ay marami ang namatay kung saan tinatayang nasa 802 pang mga pasahero ang hanggang ngayon ay hindi pa natatagpuan.

Idinagdag pa ng nasabing mga trabahador na kahit ilang beses nang nalathala sa mga pahayagan ay hindi umano sila pinatitigil ng may-ari sa pagbaklas dahil may ibinibigay umano siyang pera kay Col. Olay ng NCR-Maritime kaya wala umanong sagabal ang kanilang operasyon.

Nauna nang binanggit ng nasabing source na puno pa umano ng tubig ang loob ng barko at ilang kasamahan nila na sumisid dito ang nagpapatunay na napakaraming kalansay ng tao ang nakalubog sa tubig, kung saan pinaniniwalaang ang mga ito ang hindi pa natatagpuang mga pasaherong biktima.

Napag-alaman din na ang nakabili nito na nakilalang sina Alfonso Ong at Danny Ang ay nagmamalaki pa umano na hindi na mababawi sa kanila ang nasabing barko dahil sa kamag-anak ni Ong ang isang opisyal sa Malacañang na malapit kay Pangulong Noynoy Aquino.

Matatandaang nauna nang nagpahayag si PAO Chief, Atty. Persida Acosta na kung batas ang pagbabasehan ay hindi maaring galawin ang nabanggit na barko dahil hindi pa tapos ang kasong isinampa ng mga kaanak ng mga biktima sa nasabing trahedya.

Binanggit din ni Atty. Acosta na ang sinumang gagalaw sa nasabing barko ay mananagot umano sa batas, ngunit hanggang ngayon ay patuloy na binabaklas ang M/V Princess of the Stars. (PARAZZI INVESTIGATIVE TEAM)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.