Mariel Rodriguez, dawit sa pagkakalat ng panlalalaki ni Claudine Barretto!

OLA CHIKKA!! ILANG araw na rin ang lumipas mula nang pumutok ang alitan sa pagitan ng dating reyna ng Dos na si Claudine Barretto at nitong bagong paborito ng mga Kapamilya fans na si Angelica Panganiban, at maging ang kanilang mga jowa ay nasangkot din.

Walang nakaaalam ng tunay na dahilan ng kanilang pag-aaway kaya iba’t ibang ispekulasyon ang naglabasan tulad ng pakikipagbati ni Angelica kay Gretchen na kapatid ni Claudine na hindi niya kasundo. Maaari rin daw nai-insecure si Claudine dahil alagang-alaga ngayon ng Kapamilya network si Angelica.

Ngunit nitong Miyerkules ng gabi lamang ay naipalabas sa telebisyon na ang ugat daw ng awayan ng dalawa ay dahil sa pagkakalat raw ni Angelica na nanlalaki itong si Claudine.
Kung totoo man ang balitang ito ay napaka-complicated talaga ng isyu dahil masyadong personal at maapektuhan ang pamilya ni Claudine at ng kanyang asawang si Raymart Santiago. Kaya pala nadamay ang mga jowa nila dahil itong sinasabing bf ni Claudine ay tropa ni Derek kaya nalaman ni Angelica at naikuwento naman daw nito kay Mariel Rodriguez hanggang sa kumalat na at nagsimula nang mag-post sa kanyang Twitter account itong si Claudine laban kay Angelica.

Hindi biro ang intrigang ito kaya nararapat lamang na hayaan na nila ang korte ang magdesisyon at tumulong na ayusin ang gusot na ito.

Sinasabing magsasampa ng demanda si Claudine laban kay Angelica na hanggang ngayon ay nanahimik pa rin at pinoprotektahan ng Dos. Taray!!

Dahil napag-uusapan naman ang panlalalaki raw umano ni Claudine, napaisip tuloy ako na bakit ba kasi hindi na lang siya nakuntento sa asawa niya? Bakit naman kasi kaibigan pa ni Derek ang jowa ni Claudine? Bakit pa kasi nalaman ni
Angelica at ikinuwento pa kay Mariel? Bakit naman kasi nakinig si Mariel at siya ang huling pangalang nabanggit sa eksena, kaya tuloy ayan dawit ang pangalan niya at maraming ugong-ugong na sila ang nagkalat ni Angelica? Ay, naku!! Ipaubaya na yan kay YOUR HONOR :))

USAPANG PAGKAKALAT NG isyu, dumako na tayo rito sa bidang-bida pagdating sa paghahatid ng hindi makatotohanang chikka. Noong Martes ng gabi ay napanood ko ang episode ng Juicy kung saan napag-usapan ang column ko rito sa Pinoy Parazzi tungkol sa pagpapasilip sa BIR ni Pokwang ng gallery nitong si Cristy Fermin.

Ang sinabi niya ay gumagawa lamang daw ako ng kuwento at hindi rin daw totoong kaibigan ko si Pokwang kaya imbento ko lamang ang sinulat kong iyon.

Sinabi pa niya na hindi ako kapani-paniwala dahil nangongopya lang daw ako sa kanya ng aking mga binabalita. Hello!! Alam mo ba kung ano ang sinasabi mo?

Una sa lahat, hindi ako kasing galing mong gumawa ng kuwento para sabihan mo kong imbento ko lang ang isinulat ko tungkol sa inyo ni Pokwang. Dahil hindi ko malalaman na nagbebenta ka ng pantings nang walang official receipts kung hindi talaga kami nagkausap ni Pokwang.

Pangalawa, wala akong planong kopyahin ang mga balita mo dahil obviously magkaiba tayo ng paninindigan at kitang-kitang magkaiba tayo ng sinusulat, dahil puro paninira at panunumbat ang nilalagay mo, ihalimbawa mo na lang sina Chokoleit at Pokwang.

At pangatlo, hindi ko pinangarap maging katulad mo dahil kung mangongopya ako sa iyo, malamang kaliwa’t kanan na rin ang mga libel cases ko dahil in 41 years kong stay rito sa ating industriya, pinagmamalaki kong wala ako kahit isang demanda laban kanino na kahit kailan ay hindi mo maiisigaw nang taas-noo sa buong mundo.

HAPPY FIESTA NGA pala sa mga taga-San Mateo, Rizal, lalung-lalo na sa kanilang butihing mayor na si Mayor Rafael Diaz at inaanyayahan namin kayong makisaya at dumalo sa kanilang medical at dental mission ngayon umaga sa Plaza Natividad sa kanilang lugar.

At pakisubaybayan din po ngayong 10:00-10:30 ng umaga sa Bitag Live ng UNTV si Ka Rey Herrera kung saan ipakikita niya kung paano nakatutulong sa ating kalusugan ang King’s Herbal Food Supplement. Maraming maraming salamat po and God Bless us all!

Ooola Chika
E-mail: [email protected]
by Tita Swarding

Previous articleGloria Diaz, walang balak insultuhin ang mga Cebuano
Next articleVice Ganda, nag-MRT lang papuntang ABS-CBN!

No posts to display