Maricar Reyes: Pagkatapos ng Unos

ILANG BUWAN DIN naging laman ng mga balita ang model/physician na si Maricar Reyes. Nasangkot kasi siya sa Hayden Cam series kung saan umani siya ng maraming batikos at pangungutya mula sa publiko.

Unang lumabas si Maricar Reyes bilang commercial model ng iba’t ibang produkto tulad ng sanitary napkin at facial wash. Dahil sa simple niyang ganda, kinuha siya ng Star Magic at ipinasok sa I Love Betty La Fea bilang si Candy, ex-girlfriend ni Armando, na ginampanan naman ni John Lloyd Cruz.

Kasali rin si Maricar Reyes sa first season ng Precious Hearts Romances presents Bud Brothers, kung saan katambal niya ang TV Idol winner na si Ahron Villena. Dapat ay sa pangatlong linggo ilalabas ang lovestory nila bilang bagong kasal. Bigla na lang nabago ang flow ng kuwento nang masangkot nga ang dalaga sa kontrobersiya kasama ang ex-bf na si Hayden Kho.

Nanahimik si Maricar nang mahigit isang buwan. Akala ng marami ay umeskapo na ito patungong Amerika. Akala nila ay hindi na nito itutuloy ang showbiz career na nasimulan. Ginulantang na lang ng Maricar ang viewers nang gumanap ito bilang taong grasa sa May Bukas Pa kasama si Santino. Imbes na panlalait, simpatiya ang nakuha ni Maricar mula sa publiko. Tinanggap din siya nang buong-buo ng mga bagong tagahanga.

Binigyan rin siya ng lead role sa Your Song presents Gaano Kita Kamahal? kasama sina Sid Lucero at Jodi Sta. Maria. Dito, ginampanan niya ang papel ng isang teacher na na-in love sa lalaking may pananagutan na. In fairness, magaling umarte itong si Maricar. May lalim at hindi lang basta-basta pa-cute lang. Balita namin ay kinabog din ng programa ang kabilang istasyon sa taas ng ratings. Good move, Maricar!

Sa ngayon ay mapapanood muli si Maricar sa dalawang huling linggo ng Precious Hearts Romances presents Bud Brothers. Nakatakda rin itong lumabas sa Lovers in Paris kasama sin Piolo Pascual at KC Concepcion. Nag-cover rin ito sa isang magasin kung saan for the first time ay nagsalita na ito tungkol sa kinasangkutang isyu. Naging madilim man ang nakaraan ni Maricar, paniguradong unti-unti na rin niyang makikita ang liwanag.

Para sa mga katanungan at komento, mag-email lamang sa pinoyfansclub@gmail.com. Bisitahin din kami sa http://www.pinoyfansclub.com.

loading...

One thought on “Maricar Reyes: Pagkatapos ng Unos

  1. Pingback: Maricar Reyes Showbiz News : Maricar Reyes

Leave a Reply

Your email address will not be published.