Maricar Reyes: Mula basura, naging ginto!

NAGMISTULANG MALAKING ENTABLADO ang isang palapag ng Makati Medical Center kamakailan dahil sa dami ng mga kilalang personalidad sa lokal na aliwan at mundo ng pulitika na nagpupuntahan du’n.

Magkapalapag sina dating Pangulong Cory Aquino at Frankie, anak nina Senador Kiko Pangilinan at Sharon Cuneta, kaya nagpista ang nurses du’n at mga bantay ng ibang pasyente dahil sa dami ng mga nagdaratingang sikat na artista sa naturang palapag ng ospital.

Sabay na nilagnat sina Frankie at Miel, may sipon at ubo rin ang mag-asawang Senador Kiko at Shawie. Lahat sila sa bahay ay hindi nakaligtas sa pagkakasakit.

Si Sharon, basta mga anak na niya ang maysakit, ay parang hilong talilong. Hindi siya mapakali, makulit na kung sa makulit, pero talagang tawag siya nang tawag sa yaya ng kanyang anak kung ano na ang nangyayari.

Dahil propesyonal siyang artista, sa mga pagkakataong kailangan niyang magtrabaho kahit maysakit ang kanyang anak ay telepono agad ang hawak niya kapag sumigaw na ng “Cut!” ang kanyang direktor.

“Tanong na naman ako sa yaya ng anak ko. Kumusta na ang fever niya, mababa na ba? Nakakakain ba ang anak ko? Ano na ba ang hitsura? Hindi ba siya nagtsi-chill?

“Naku, para akong imbestigador sa pagtatanong, paulit-ulit lang naman ang tanong ko, sagot naman nang sagot ang yaya, pero puro ‘yun pa rin naman ang tanong ko kapag nagtse-check na ako,” tawa nang tawang kuwento ng nag-iisang Megastar.

Kalampagin mo na ang kahit anong anggulo ng kanyang buhay at career at tatawanan lang ‘yun ng aktres, pero hindi kapag ang kapakanan na ng kanyang mga anak ang sangkot sa usapin. Talagang magmamaasim ang kanyang dila sa pagsasalita.

‘Yun ang dahilan kung bakit sinabihan niya ng makapal ang mukha si Dr. Hayden Kho. Nananahimik nga naman ang kanyang si KC. Pero habang nagsasakripisyo pala sila sa pagso-show sa Amerika at sa Canada, nakakaladkad na nang walang kalaban-laban ang kanyang dalaga sa isyu ng mga sex videos ng bastos na doktor.

Una, walang katotohanan ‘yun. Ni hindi nga personal na kakilala ni KC ang doktor. Pero nakakainis nga rin naman na ni hindi man lang nag-angat ng daliri ang kampo ng bastos na doktor para ilabas ang pangalang ni KC sa mga kuwento-kuwento.

“Hay, naku! At kung totoo naman ‘yun, baka ipakulong ko na lang siya!” Komento pa ni Sharon Cuneta.

NAGMAMARKA NA NGAYON ang hitsura ni Maricar Reyes, isa sa mga babaeng tampok sa mga koleksiyon ng sex videos ni Dr. Hayden Kho. Kapag nasalubong namin ngayon si Maricar Reyes, alam na naming siya ‘yun.

Sorry, pero totoo, kundi pa “nagbida” ang magaling na hineteng si Maricar sa sex video nila ng doktor, hindi pa namin matatandaan ang kanyang hitsura.

Sabi nga, may ginto sa basura. Totoong basura ang isyung kinasangkutan ng modelong si Maricar, pero ang basurang ‘yun ang nagbukas ng mga gintong oportunidad sa kanya para matupad ang pangarap niyang makilala bilang artista.

Nagbibida na siya ngayon sa mga programa ng ABS-CBN. Nagpairal ng galing sa pagnenegosyo ang network. Dahil nu’ng maingay nang pinag-uusapan ang kalat na kalat nang sex video nina Dr. Hayden at Maricar sa merkado, nagbalangkas agad ang istasyon ng mga palabas na puwedeng pagbidahan ni Maricar.

Nasilip na namin ang isang tuhog na eksena niya sa May Bukas Pa. Ilang minuto ‘yun na sa kanya lang ang tutok ng mga camera, nagmo-monologue siya tungkol sa isang mapaklang nakaraan sa kanyang pakikipagrelasyon.

Biglang lumalim ang pagganap ni Maricar, may tulay na ang kanyang mga mata sa publiko, hindi rin siya OA umarte. Kayang-kaya niya nang sagupain ngayon ang kahit gaano kahirap na eksena, meron na kasi siyang paghuhugutan.

Isipin lang niya ang pagkalat sa buong bayan ng kanyang hubad na katawan na parang naglantad na rin sa kanyang buong kaluluwa, talagang hindi lang iyak ang kaya niyang ibigay kundi hagulgol pa nga.

Cristy Per Minute
by Cristy Fermin

Previous articleAstig the movie: Unang sabak!
Next articleTanda Ba News?: Musta-sa, Ms. Alma?

No posts to display