Marian Rivera: Tapagligtas ng Siyete!

Bago sinimulan ang presscon ng pelikulang Tarot nina Marian Rivera at Dennis Trillo nu’ng August 20, nagkaroon muna ng tarot cards reading kay Marian para hulaan kung ano ang magiging kapalaran nito.

Pati ang ilang bahagi ng nakaraan niya ay nabanggit ng tarot reader at halatang takot na takot si Marian.

Ang isa sa kinatatakutan niya ay ang pag-usapan ang lovelife na mabuti na lang at okay naman at masaya raw sila, na ang tinutukoy siyempre ay si Dingdong Dantes.

Hindi raw kaya ni Marian na humarap sa manghuhula dahil mas naniniwala pa rin daw siya na ikaw ang may gawa ng kapalaran mo. “Naniniwala ako na ang kapalaran ng tao ay depende pa rin sa tao at kung paano ka manalig sa Diyos,” pahayag ng bagong Darna.

Gaya ng mga magagandang nangyayari sa kanya ngayon, lahat daw ‘yun ay pinaghirapan niya at dagdag na pagdarasal.

Ilang beses na sinasabi ni Marian na ito ang isa sa pinakamasayang bahagi ng buhay niya. Tuluy-tuloy na maganda ang takbo ng career lalo na sa lovelife. “Sana kung anong meron ako ngayon sana ay magtagal talaga at higit sa lahat ay maging masaya ako palagi.”

Hindi man ito ipinagyayabang ni Marian, at wala naman sigurong kokontra na si Marian ay nagmistulang Darna talaga sa GMA-7 dahil siya ang nagsalba sa medyo namiligrong pagbaba ng rating ng primetime telebabad ng GMA 7.

Nang magsimula ang Darna sa napakataas na rating, napanatili nitong maganda at mataas ang rating. Pati ang mga kasunod na programa ay nahatak pataas kaya bumalik na naman sa pamamayagpag ang primetime telebabad ng Kapuso network.

Wala nang mahihiling pa si Marian sa ngayon kaya hindi raw nito nakalilimutan ang magpasalamat. “Kahit pagod na pagod ako sa taping, bago ako matulog hindi ko talaga kinalilimutan ang magpasalamat sa Diyos, sa lahat ng mga ibinigay niya sa akin. Kahit meron pa ring hindi natutuwa, ipinagpasa-Diyos ko na lang sila. Ang importante masaya ako at nandiyan pa rin ang mga taong nagmamahal sa akin,” dagdag na pahayag ni Marian.

Naisipan naming tanungin si Marian kung paano niya i-rate from 1-10 ang lahat na aspeto ng buhay niya; at perfect na perfect nga ang mga ito.

Pagdating sa pamilya niya, “Sa family, 10!” Mabilis niyang sagot.

Pero isa sa gusto niyang matupad ngayong taong ito o early next year ay magkita sila ng ama niyang nasa Espanya. “Kung hindi ako makapupunta roon, aayusin ko talagang makapunta siya rito ngayon,” patuloy niya.

Pagdating naman sa kanyang career, “Sa career ko, siyempre 10!”

Wala na nga naman siyang mahihiling pa dahil lahat successful, lalo na itong Darna na sobra-sobra sa hinihingi niya ang ibinigay ng Diyos.

Kaya lahat daw sila sa set ay masaya at ka-close niya ang lahat na mga katrabaho niya, lalo na kay Celia Rodriguez na siyang pinaka-close sa kanya sa set.

Ang pinakahuling pina-rate namin kay Marian ay ang kanyang lovelife na mabilis niyang sinagot.“Siguro, 11!” Sabay-tili na parang kinikilig pa.

Doon muli naming kinulit kung ano talaga ang mga regalong ibinigay nila ni Dingdong sa isa’t-isa nu’ng nakaraang kaarawan nila.

Si Dingdong ay nag-celebrate ng birthday niya nu’ng August 2 at si Marian naman ay nu’ng nakaraang August 12 lang.

Marami raw siyang natanggap na regalo mula kay Dingdong at lahat daw ‘yun ay na-appreciate niya dahil nagagamit niya ito.

Pero sobra naman daw ‘yung lumalabas na balitang bagong kotse at meron pang lupa’t bahay ang birthday gift daw ni Dingdong sa kanya. “Sobra naman ‘yun. Hindi ko naman kailangan ‘yun. Parang lumalabas namang DOM niyan si Dong dahil hindi naman niya kailangang gawin iyan,” himutok ni Marian.

Nu’ng nakaraang kaarawan daw niya, sinorpresa nga raw siya ni Dingdong sa set ng Darna nang biglang dumating ito at sinundo siyta para mag-dinner sila.

Mabuti’t pinayagan naman daw siya na i-pack-up nang maaga kaya nagkaroon sila ng pagkakataong magkasama sa isang dinner at masasabing isa raw ‘yun sa pinakamasayang birthday ng bagong Darna.

“Siguro, napakasaya ko lang at sobrang thankful talaga ako na ang sarap ng buhay talaga na lahat na lang yata ay ibinigay na sa akin. At siguro, dahil du’n, ie-extend ko ang blessings ko sa ibang tao,” buong katapatang pahayag ni Marian.

By Gorgy’s Park

Previous articleAngel Locsin: Nag-iisa Lang!
Next articlePinoy Parazzi September Collector’s Edition: Primetime Girls!

No posts to display