Marian Rivera, pinagbawalang patulan ang ibinulgar ng ex-bf!

HINDI IN-ALLOW NG manager ni Marian Rivera na si Popoy Caritativo na sagutin ng kontrobersiyal na aktres ang rebelasyon ng ex-boyfriend nitong si Ervic Vijandre.

Kinunan ng Startalk ang pag-alis nina Dingdong Dantes at Marian patungong Dubai nu’ng kamakalawa ng hapon at nakabantay si Popoy habang ini-interview ang dalawa. Ayaw na niyang palakihin pa ang mga sinabi ni Ervic dahil matagal na ‘yun at noon pa man ay ayaw itong pag-usapan ni Marian dahil hindi naman showbiz itong si Ervic.

Ngayon lang naman nagkainteres na pasukin ni Ervic ang showbiz kaya malamang na nasulsulan itong gumawa ng ingay.

Ilang beses din naming nakatsikahan si Ervic sa ilang events at nakikita naman naming hindi ito mahilig makisakay sa isyu ng may isyu.

Nu’ng sila pa ni Marian ay mailap ito sa press dahil ayaw niyang madamay sa kasikatan ng dating girlfriend.

Nang maghiwalay sila ay tipid lang ang sagot ni Marian tungkol sa break-up nila at itong si Ervic ay tahimik lang.

Nakausap pa namin ang manager niyang si Jonas Gaffud at binibiro nga naming tamang-tama ngayon ang pagpasok ng guwapong model sa showbiz dahil mainit na pinag-uusapan ang ex-girlfriend nito pero tumanggi sila. Pinag-iisipan pa raw ni Ervic kung talagang gusto nitong mag-artista.

Malamang na nadadala lang ito sa mga nang-iintriga para mapag-usapan at baka nga patulan kung sakaling magsalita at kung may pasasabugin si Ervic laban kay Marian.

Pero ayaw nang patulan ito ni Marian at kahit ano pang sabihin ni Ervic ay wala raw itong balak na sagutin. Kung ano man ang kanilang pinagsamahan at kung gaano man kalalim ang relasyon nila noon, walang kinalaman daw ‘yun sa kanilang showbiz career kaya hayaan na lang daw ‘yun at isiping ‘yun ay isa sa magandang alaala sa kanilang buhay pag-ibig.

Dapat ipakita ni Ervic na may karapatan siyang maging artista at huwag makisakay sa popularidad ng iba para lang mapansin. Kung magpapadala ito sa sulsol ng iba, baka maging nega pa ang dating niya at hindi naman makatulong sa pagpasok niya sa showbiz.

Samantala, excited sina Dingdong at Marian dahil matutuloy na rin ang pagpunta nila ng Madrid, Spain pagkatapos ng show nila sa Dubai.

May special participation daw sila sa concert nina Ogie Alcasid at Regine Velasquez  at pagkatapos nu’n ay tuloy na sila ng Madrid sa ilang araw na bakasyon at madalaw na rin ni Marian ang kanyang ama na naka-base roon.

Bukod sa ama ni Marian ay excited din si Dingdong na madalaw ang mga kamag-anak niya roon sa Madrid dahil nandu’n din pala ang ilang kapatid ng Mommy niya. Kaya masayang family reunion ito sa magkasintahan.

Sobrang excited si Marian dahil matagal na raw niya itong pinlano at ngayon pa lang matutuloy, at kasama pa nito si Dingdong na ipakikilala na sa kanyang ama.

Nangako naman ang dalawa na ibibigay niya sa atin ang update nang pagpunta nila roon, with matching pictures pa.

Kaya abangan natin iyan!

By Gorgy’s Park

Previous articleEnding ng May Bukas Pa, baka ‘di matanggap ng supporters!
Next articleSipat-eklat: Celebrity couple na nagbababad sa casino, ‘pag talunan lang sa sugal nag-aaway!

No posts to display