Marian Rivera, dehado sa pagiging Darna?!

NAGLALABASAN NA ANG mga litrato ng bagong Darna sa katauhan ni Marian Rivera. Mahuhusay ang mga utak ng mga manunulat. Kahit pa ayaw ng GMA, lalo na ni Marian Rivera, pilit pa rin silang pagkukumparahin ng huling Darna na gumanap, si Angel Locsin.

Ngayon, pinagkukumpara sila kung sino’ng mas seksi, mas maliksing kumilos sa mga routines at mas maganda.  Siyempre, magpapaka-safe naman sila sa pagsagot: “Kanya-kanya naman ‘yan, eh. Iba ako, iba siya!”

Na tama naman, ‘di ba?

But at the end of the day, ang “dehado” pa rin dito ay si Marian. Kasi, parang hindi pa nakaka-move on sa dating Darnang si Angel Locsin ang mga tao.

Kaya ang ganitong anggulo ay maging inspirasyon at motivation sana kay Marian para lalo niyang galingan ang paglunok ng bato at pagsampa kay Ding sa likod niya.

Para sasabihin na lang ng mga tao, “Ay, mas magaling palang Darna si Marian!”

AYON SA TEXT ni Diether Ocampo, okey ang resulta ng kanyang ECG sabi ng kanyang doktor. Over-fatigue lamang daw at kulang sa tulog, kaya nagkaroon siya ng seizure.

Pero siyempre, hindi ka pa rin dapat mag-sitting pretty riyan, dahil alam n’yo naman ang “cardiac arrest,” napakatraydor niyan kahit itanong n’yo pa ke Michael Jackson.

Kaya ibayong ingat ang dapat pa ring gawin ni Diet. ‘Wag ding masyadong mag-um-OA sa pagpapaganda ng katawan. Or kung me iniinom man siyang mga supplements, mangyaring ikonsulta muna niya sa doktor, dahil baka ‘yun ang nagti-trigger kumba’t siya nagpe-faint.

Sa pagkakaalam namin, pangalawang seizure na ‘to ni Diet, kaya parang bothered pa rin kami. Lalo na’t meron kaming manghuhulang nakausap na merong isang sikat na aktor daw ang kakapitan ng malungkot na balita.

Mahal namin si Diet, dahil kumpare namin ‘yan. Ninong ‘yan ng aming anak. Kaya kahit hindi pa si Diet ang tinutukoy, tumama sana sa pader ang hulang ‘yan.

After all, kahit naman sino ay puwedeng manghula. Depende na lang kung magkakatotoo o papapalpak.

BA’T NGA BA gano’n ang mga manghuhula, ‘no? Kahit gaano kalagim ang kanilang hula, ‘pag nagkatotoo, unahan sila sa pagke-claim na sila ang nanghula na mangyayari ‘yon.

Ang eklat pa nila, “Mahalaga pa rin na ang pananalig sa Diyos ang mamayani. Lagi lamang tayong magdasal.” Pero ‘pag tumama ang hula, ang publicist nila ang magke-claim na hula ‘yon ng propetang nagbabayad ng monthly sa kanila.

Paano ‘pag pumalpak naman?

Hay, naku… alam din namin ang drama riyan ng manghuhula. Behaved sila. Wa sila ispluk. Kasi nga, palpak, eh. O, me eklat na, “Magandang nakontra ang hula, kaya hindi nagkatotoo!”

Ang pinakanakakalokah riyan at hanggang ngayon ay nananatiling palaisipan sa amin ay kumbakit hindi nila mahulaan kung aling anim na numero ang tatama sa lotto.

Kasi, kung magaling silang manghuhula, eh, ‘di dapat, mayaman na sila, ‘di ba?

Naalala tuloy namin si Madame Auring. Hindi niya nahulaan noon na mamamatay ang kapatid niyang manghuhula rin, si Madame Sarah.

Oh My G!
by Ogie Diaz

Previous articleTago: Basta sumikat lang kahit balewalain ang polisiya ng gobyerno
Next articlePrecious Lara Quigaman, sinagot na si Marco Alcaraz!

No posts to display