Marian Rivera, ayaw patulan ang ‘anak issue’!

HUMARAP ANG DETHRONED Binibinining Pilipinas-Universe Maria Venus Raj sa media kahapon para klaruhin ang isyung pagkaka-reinstate sa kanya ng Binibining Pilipinas Charities, Inc.

Ipinaliwanag ng abogado ni Venus na si Atty. Gigi Berberabe-Martinez na nu’ng nag-meeting sila sa mga taga-Binibini, hindi raw nila napag-usapan ang tungkol sa reinstatement dahil walang abogado ng taga-BPCI na dumating. Pinapirma lang daw nila si Venus na natanggap nito ang sulat ng Binibini pero pagdating sa mga ilang points na kinukuwestiyon ng kampo ni Venus, hindi naman daw napag-usapan.

Kaya kahapon ay klinaro ni Venus na hanggang ngayon ay hindi pa rin daw masasabing reinstated na siya.

Mas dumarami ang nagbibigay ng suporta kay Venus kaya lalong lumalala ang isyung ito at dapat nga raw ay mag-usap na sila ng mga taga-Binibini.

Ang hinihingi lang ng BPCI ay mag-produce daw muna ito ng Philippine passport bago siya ma-reinstate. Pero ipinaglalaban ng kampo Venus na dapat ay ibalik na nila ang title nito at ang isa pang hinihiling nila ay dapat na linawin muna nila ang unang ibinibintang nila kay Venus na ‘misrepresentation’ kaya ito tinanggalan ng korona.

Since ibabalik na nga nila ang korona nito for humanitarian reason, dapat klaruhin daw muna nila ‘yung ibinibintang nila kay Venus na may misrepresentation ito sa kuwestiyonableng birth certificate niya.

Hangga’t hindi raw nila naayos ito sa BPCI, hindi makikipag-areglo sina Venus at hindi lang daw nila basta tatanggapin ang pagsoli ng korona na may kundisyon pa galing sa mga taga-Binibini.

HINDI NA PINAPANSIN ni Marian Rivera ang mga negatibong isyung ikinakalat laban sa kanya. Isa na nga rito ang ilalabas daw ng Paparazzi na may itinatagong anak si Marian.

“Hindi na ako apektado diyan. Nagsalita na ako sa Showbiz Central, at nagsalita na rin ang mga taong nagtanggol sa akin kaya tama na po ‘yun. Hindi ko na sila papatulan,” sagot ni Marian nang muling tinanong ito sa presscon ng pelikula nila ni Dingdong Dantes na You To Me Are Everything.

Si Dingdong ay tahimik lang sa tabi ni Marian pero very vocal din ang suporta nito sa kanyang kasintahan at sinabi nga nitong, siya ang haharap sa mga ito kung gusto lang nila hatakin pababa si Marian.

Kaya lalo naman kinikilig si Marian sa ipinapakitang pagtatanggol sa kanya ni Dingdong.

Wala naman daw kailangang itago si Marian, pero may isyung ayaw pa munang pag-usapan ng dalawa.

May kumakalat na balak daw nilang magpakasal pagdating nila sa Amerika.

May nakatakda silang series of concert sa Amerika sa susunod na buwan pero nilinaw ng magkasintahan na wala sa plano nila ang pagpapakasal doon. May show lang daw sila roon pero ang kasal ay wala raw talaga sa plano.

Sinundan namin ng tanong kung napagu-usapan na ba nila ang ganito kaseryosong plano. “Pagdating sa ganu’ng bagay, kung puwede, sa amin na lang muna ‘yun. Ang mga ganu’ng bagay ay pinag-uusapan namin privately pero kung puwede sa amin na muna ‘yun,” malaman na sagot ni Dingdong sa amin.

By Gorgy’s Park

Previous articleIvan Dorschner, Early Favorite sa Bahay ni Kuya!
Next articleGibo, milya-milya ang lamang sa mga kalaban

No posts to display