Marian Rivera at Rhian Ramos, nag-isnaban?! – Gorgy’s Park

DINAGSA NG MGA Dingdong Dantes at Rhian Ramos fans ang cinema premiere ng bagong primetime series nilang Stairway to Heaven, nu’ng nakaraang Linggo sa Cinema 10 ng SM Megamall.

Ipinalabas ang ilang episodes na mapapanood sa first week nito kaya karamihang eksena ay mga batang karakter nina Dingdong bilang Cholo at ni Rhian bilang Jodi.

In fairness, sa pagsisimula pa lang ng seryeng ito ay mukhang mapapatutok ka dahil maganda ang takbo ng kuwento at ang gagaling ng mga batang gumanap, lalo na si Joshua Dionisio bilang young Cholo at si Barbie Forteza bilang young Jodi.

Ang ingay sa loob ng sinehan dahil mga bata pa lang ang gumaganap ay talagang kinikiligan na sila.

Pati ang kontrabidang si Eunice na ginagampanan ni Glaiza de Castro ay magaling din ang batang karakter nito.

Habang tumatagal ay nakikita mo namang merong magic ang tandem nina Dingdong at Rhian. Nagkapalagayan na agad sila ng loob pagkatapos ng ilang araw na taping nila.

Ang dami nga raw nilang na-discover sa isa’t-isa pero siyempre nag-iingat din na hindi maintriga dahil merong Marian Rivera si Dingdong.

Nilinaw naman ni Rhian na walang dapat ipagselos si Marian at iniiwasan nitong pagbanggain sila ni Marian.

Pinabulaanan din ni Rhian ang kumalat na isyung nag-isnaban daw sila ni Marian sa taping ng Show Me Da Manny.

Nag-guest kasi si Rhian sa sitcom nu’ng nakaraang linggo at may nagtsikang hindi raw sila nagbabatian sa studio ni Marian.

Hindi naman daw totoo iyun, sey ni Rhian, dahil lahat daw sila ay binati nito at nagkantiyawan pa nga raw sila ni Marian sa loob ng dressing room.

Pero hindi naman daw sila ganu’n ka-close kaya wala namang pagkakataong kailangan pa nilang magtsikahan. Basta nagkabatian lang daw sila roon sa taping.

Tumahimik na lang si Dingdong sa intrigang iyun.

Pangalan ni Ricky Lo, ginagamit ng Dugo-Dugo Gang

Pagkatapos ikinuwento ni Alyssa Alano sa Startalk ang nangyaring pambiktima sa kanya ng Dugo-Dugo gang, may mga iba pang dating Viva Hot Babes ang tumawag sa amin na nabiktima rin daw sila ng ganu’ng grupo.

Tatlong miyembro ng Viva Hot Babes ang nabiktima raw ng ganu’n, at isa na rito si Zara Lopez na nakuhanan daw ng 10 thousand pesos na SM gift certificates.

Meron pa raw isa na nakuhanan din ng Rolex watch at ginamit din si Ricky Lo para makapanloko lang. Kaya nakipag-ugnayan sila kay Alyssa na sasama raw sila sa pagsampa ng reklamo sa NBI para mahuli ang taong ito.

Naniniwala silang iisang tao lang ang gumawa nito dahil parehong style lang daw ang panloloko nito para may makuha lang sila sa mga naturang artista.

Samantala, umiiyak si Alyssa nang napag-usapan muli ang namayapa niyang ama na matagal na niyang hinahanap.

Na-contact ng Startalk ang kapatid ni Alyssa sa tatay na naka-base sa Australia, at nag-usap sila via phone patch nu’ng nakaraang Sabado.

Balak daw nitong kapatid ni Alyssa na si Sandra Lee Carcar na pumunta ng Pilipinas sa November para magkita sila.

Gusto rin ni Alyssa na pumuntang Australia para madalaw man lang daw nito ang puntod ng ama niya, pero kinrimate pala ito kuwento ng kapatid niya at isinaboy daw nila ang abo nito sa dagat. Kaya hanggang litrato na lang ang alaalang makita ni Alyssa.

Masaya na rin si Alyssa dahil kahit papano, nagkaroon daw siya ng pagkakataong makilala ang mga kapatid nito sa ama.

By Gorgy’s Park

By Gorgy’s Park

Previous articleHayden Kho, pinandidirihan ng mga kolehiyala – Cristy Fermin
Next articlePinoy Parazzi Vol. II Issue # 142

No posts to display