Marian Rivera-Alden Richards tandem, pasado sa viewers

Marian-Rivera-Alden-RichardsNATUTUWA SI Alden Richards na pasado sa viewers ang tambalan nila ni Marian Rivera sa bagong primetime series ng GMA 7 na Carmela. Flattered din daw siya sa magagandang feedback hinggil team up nila.

“So far naman po naririnig ko na maganda ‘yong chemistry naming dalawa ni Marian,” sabi nga ng aktor.

“Okey naman po kasi maganda ‘yong material namin.  Sobrang dami ‘yong oras na ginugugol namin para makunan ‘yong mga eksena. And nakakatuwa na very appreciative naman ‘yong viewers. Wala kaming naririnig na negative. Marami na po kaming nagawang eksena ni Marian together. Mahigit two weeks na po akong nagti-taping na kasama siya.”

Una silang nagkatrabaho ng Kapuso Primetime Queen sa My Beloved. Pero first time na maging leading man siya nito sa Carmela.

“Sobrang thankful po ako sa chance na ito,” nangiting sabi ni Alden. “Hindi ko in-expect na sa three years ko sa showbiz, naging leading man na ako ni Yan (palayaw ni Marian). So, malaking achievement. And mas komportable na akong katrabaho siya. Hindi na katulad nang dati na pigil na pigil ang kilos. Na ang naikikilos ko lang ay ‘yong sinasabi sa akin ng director. Ngayon nakakikilos ako in accordance do’n sa kung ano ang puwedeng natural sa aming dalawa ni Marian.”

May nakunan na bang intimate scenes nila?

“Wala pa po sa script. Pero so far po, ‘yong kiss pa lang ‘yong pinaka-intimate. ‘Yong sa music video namin.”

How was the feeling no’ng kinunan iyon?

“Masaya po ako. Parang… in a lifetime ba, ilang Marian Rivera ang mahahalikan mo? For me, isa lang. So, of course grateful at saka happy kasi one take lang po iyon. And sa mga scenes po naman na kinukunan sa ngayon, hindi pa gano’n kalalim ‘yong relationship ng characters namin.”

Paano niya pinaghyahandaan ang mga magiging intimate scenes nilang dalawa?

“Siyempre po, kailangan take one lang. Kasi siyempre, mahirap magpaulit-ulit. Hindi naman po ako nagti-take advantage, eh. And mas maganda na mabilis ang trabaho para maraming makunan.”

Kahit pa girlfriend na ni Dongdong Dantes, marami pa ring guys ang nagkaka-crush at nag-a-admire kay Marian. Si Alden kaya?

“Ako po kasi, trabaho lang talaga. At alam ko na gano’n din siya. Gano’n niya ako nakikita as a person. And mas maganda na walang inihahalong personal na interes sa trabaho. kasi masisira po, eh. So, mas mabuting as is kami. Bilang respeto na rin sa kanya. Ang tingin at turing ko sa kanya… leading lady ko. Parang… kaibigan.

“Na most of the time kapag nagkakakuwentuhan sa set, nakakapag-usap kami tungkol sa mga bagay bagay na hindi naming napag-uusapan before. So, ang sarap lang ng feeling na… we can talk about anything. Na komportabel kami sa isa’t isa.

“At nakakatuwa rin na magkapareha kami sa isang primetime series na hindi kailangang magkaroon ng romantic angle ‘yong team up namin. Hindi namin kailangang ma-link pa sa isa’t isa. Mas maganda po iyon. Kasi mas natural. Hindi kailangang peke-in ang kung anuman. Na kapag sinabing leading man o ipinapares kayo, kailangang may gano’ng anggulo.

“Naniniwala po ako na mas maganda ‘yong relationship na nabubuo kapag lahat natural. Hindi pinipilit. Hindi kailangang gawan ng isyu na nagkakagustuhan. Na kahit hindi naman totoo.

“Personally po sa akin, pangit sa pakiramdam. Kasi, gano’n kami nakikita ng tao pero sa totohanan hindi naman talaga. Pero masaya talaga ako sa chance na maging leading man ni Marian. Mabait siya,” panghuling nasabi ni Alden.

Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.