Marc Solis, kapangalan lang daw ang UP student na sangkot sa plagiarism

SA PRESSCON ng She’s The One ng Star Cinema na mapapanood na sa Oct. 16, nakausap ng press ang aming alaga na si Marc Solis na ngayon ay nagbabalik muli sa showbizness. Masaya na nabibigyan muli ng tyansa na umarte na first love ni Marc, nagkaroon na ng cameo role si Marc sa mga pelikulang Lauriana at Momzillas, nasa pilot episode din siya ng seryeng Kahit Puso’y Masugatan. Sa ngayon ay parte ng She’s The One at kasama rin sa pelikulang Sugo para sa ika-100 Anibersaryo ng Iglesia Ni Cristo.

Sa nasabing presscon, klinaro rin ang isyu na hindi siya ‘yung Marc Solis na sinasabing na estudyante ng UP na nag-plagiarize ng isang larawan ng isang bata sa Zamboanga na kuha ng isang foreigner na nanalo sa isang paligsahan sa ibang bansa. Ayon kay Marc, marami ang nag-text sa kanya at nagtanong kung ano ba ang scandal na ito na kinasasangkutan niya.

Mas determinado at mas pokus, aminadong nandu’n ang kaunting panghihinayang at pagtatanong ni Marc na siguro ay malayo na rin ang narating niya kundi siya namahinga pansamantala sa showbizness, tulad ng mga dating kasama sa grupong Koolits na sina John Lloyd Cruz at Baron Geisler.

Pero sa nakikita naming pagmamahal ni Marc sa pag-arte at kagustuhan niya talagang makabalik, kung saan hindi na pahuhuli ang katawan niya sa ibang mga hunk actor, naniniwala kami na makababalik at gagawa siya muli ng tatak niya sa showbizness.

 

SA KABILA ng mga sinabi noon ni Jennylyn Mercado na malayang madalaw ni Patrick Garcia ang anak nilang si Alex Jazz at wala ring katotohanan na may hinihingi siyang kaukulang presyo kung gusto ni Patrick na makita o makasama ang kanilang anak, pero sa panayam namin sa aktor sa ASAP nu’ng nakaraang Linggo sa Marikina Sports Complex para sa 60 Years Kapamilya Anniversary, iwas magsalita si Patrick nang kumustahin namin dito ang anak na si Jazz o ang samahan nila ni Jen.

Simple lang ang binitawang salita sa amin ng aktor na ayaw niyang magsalita dahil gusto niyang makita ang anak at ito ang kanyang malaking kahilingan sa ngayon. Sa tinatakbo ng pagsasalita ni Patrick, ramdam namin na ‘di niya nakikita o nadadalaw ang anak, taliwas sa sinabi ni Jennylyn na bukas dalawin ng ama ng anak anumang oras na gustuhin nito.

Pitong buwan na ang anak na babae sa kanyang non-showbiz girlfriend, masaya sa kanyang pagiging ama kung saan ayon kay Patrick ngayon ay mas pokus at mas responsable at mas may direksyon ang buhay niya, kung saan kina-career niya ang pagiging isang ama.

Aminadong nakita na rin niya sa kasalukuyang girlfriend ang babae na gusto niyang makasama habang-buhay, may plano na si Patrick na pakasalan ito, kung saan napatunayan niya na mas tahimik talaga ang isang relasyon ‘pag hindi taga-showbiz ang naging kasintahan mo dahil walang gaanong intriga.

Masaya na extended ang Annaliza hanggang sa Pebrero sa susunod na taon, labis ang pasasalamat ni Patrick sa mainit na pagtanggap ng tao sa nasabing serye, kung saan kasama niya ang mga kasabayang sina Kaye Abad at Carlo Aquino, at sina Zanjoe Marudo at Andrea Brillantes na siyang gumaganap bilang Annaliza.

Maiba Lang
By MELBA R. LLANERA

loading...

2 thoughts on “Marc Solis, kapangalan lang daw ang UP student na sangkot sa plagiarism

Leave a Reply

Your email address will not be published.