Mar Roxas, itinilagang bagong kalihim ng DoTC!

PORMAL NANG NAGING bahagi ng gabinete ni Pangulong Benigno Aquino III ang dating senador at 2010 elections runningmate niya na si Mar Roxas matapos itong italaga bilang bagong kalihim ng Department of Transportation and Communications (DoTC) sa televised newsbriefing ng Malacañang kahapon. Ito ay sa kabila ng biglaang pagbitiw ng dating kalihim nito na si Jose de Jesus.

Sinabi ng Pangulo na patuloy pa ring ga-gampanan ni Roxas bilang isa sa kanyang mga tagapayo, sa kabila ng pagtanggap ni Roxas ng nasabing posisyon

“Siya rin po ang magiging pinuno ng ating Economic Cluster, na may katungkulan na ipaabot sa karaniwang tao ang nararanasang paglago ng ating ekonomiya. Patuloy pa rin niyang gagampanan ang tungkuling ibinigay ko sa kanya mula pa nang una akong maupo sa puwesto,” ani P-Noy.

“Sabi ko sa kanya kelangan sana kita sa headquarters pero may sunog sa frontlines,” dagdag pa ng Pangulo.

Hindi umano inaasahan ng Palasyo ang biglaang pagbibitiw ni De Jesus bilang kalihim ng DoTC.

“Hindi naman natin inasahan ang pagbibitiw sa puwesto ni Secretary Ping de Jesus nang ganito kaaga. Ang totoo nga po, at alam naman ninyo, may ibang pusisyon sana akong ibibigay kay Mar. Pero kailangan ng taong magpapatuloy ng mga repormang nagsisimula na sa DoTC. Hindi puwedeng magtiwala tayo sa kung sinu-sino para palitan ang pinuno nito. Una, ang papalit, kailangang may talino at kakayahang magpatakbo ng isa sa pinakamalaki at pinakamayamang ahensya ng gobyerno. Mas mahalaga, kailangan ng isang taong kaya akong sabayan sa pagtahak sa tuwid na landas,” pag-amin pa ni P-Noy.

Bilang bagong pinuno ng DoTC, ibinigay rin ng Pangulo ang basbas kay Roxas na mamili ng kanyang mga tauhang mamumuno sa iba’t ibang opisinang nasa ilalim ng nasabing kagawaran upang makatulong niya sa pagsasagawa ng mga reporma.

Idinagdag pa ng Pangulo na, “Bagaman pa-ngunahing tungkulin pa rin ni Mar ang tuparin ang mandato ng DoTC, patuloy pa rin po ang magiging pagpayo niya sa akin. Marami pa rin po akong ibang iuutos sa kanya; aasikasuhin pa rin niya ang mga kailangang asikasuhin.”

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.