Manny Pacquiao, manhid na sa intriga

SOBRANG LAKI NA ng pangalan ngayon ni Manny Pacquiao. Anumang gawin niya ngayon ay meron nang iba-ibang interpretasyon, kumaliwa siya’t kumanan ay siguradong may masasabi pa rin ang ibang tao, para na siyang isda sa aquarium ngayon na sinisilip sa salamin ng bawat dumaraan.

‘Yun ang presyo ng pagiging sikat na kailangang pagbayaran ni Pacman, wala na siyang kapribaduhan ngayon, nakasunod sa kanya ang mata ng publiko kahit saan siya magpunta.

Masarap na mahirap ang kanyang kalagayan ngayon, ramdam na ramdam niya ang pressure, parang wala siyang karapatang magalit kahit pa sinaktan na siya dahil kahit pagtatanggol lang naman sa kanyang sarili ang ginagawa ni Pacman ay siguradong nakahain pa rin sa publiko ang pag-iiba-iba ng opinyon tungkol sa kanyang aksiyon.

Sabi ng isang kaibigan ni Manny, “Nakakatawa nga, meron lang siyang ka-meeting nu’ng minsan sa isang five-star hotel, ang lumabas na agad na kuwento, e, meron siyang kasamang nag-check-in sa hotel.

“Mabuti na lang at alam ni Jinkee ang tungkol sa meeting na ‘yun, nasa paligid-ligid lang ang misis niya at nagsi-shopping. Pagkatapos mag-shopping ni Jinkee, sumunod na siya sa venue ng meeting.

“Hindi ‘yun nasulat, ‘yung imbentong kuwento lang na nag-check-in siya kasama ang isang sexy star ang lumabas sa blind item. Nakakatawa naman ‘yun, sa kasikatan ba ngayon ni Manny, e, puwedeng maitago ‘yun sa publiko?

“Natural, kung gagawa ng milagro si Manny, gagawin niya ‘yun sa isang place na walang makakakita sa kanya. Puwedeng sa isang island ‘yun o sa ibang bansa kaya.

“Dyusko naman! Kung ‘yung nasa ibang bansa na nga siya, e, kung anu-ano nang imbentong kuwento ang kumakalat tungkol sa kanya, ‘yung dito pa kaya siya gumawa ng ganu’n ang hindi mapapansin?” paliwanag ng aming source na sanggang-dikit ng Pambansang Kamao.

Nu’ng una ay nagugulat pa si Manny sa mga ganu’ng pangyayari, pero ngayon ay tinatawanan niya na lang ang mga kuwentong-kutserong siya ang pinupuntirya.

Walang halong kayabangan, pero totoo naman ang pahayag ni Pacman, “Bakit nu’ng hindi pa ako nagtsa-champion, kahit magpakalat-kalat ako, wala namang pumapansin sa akin?

“Ngayon, humatsing lang ako, iba na ang kuwento. Pumunta lang ako sa isang lugar, meron na agad kuwento ang ibang tao tungkol sa pagpunta ko du’n,” napapailing na kuwento ng mapagkumbabang Pambansang Kamao.

ANG PAGIGING CANDID naman ni Nanay Dionesia Pacquiao ang kinaaaliwan sa kanya ng ating mga kababayan. Ibang klase rin kasi ang tubo ng dila ng nanay ng kampeon, madulas na madulas ‘yun na parang pinahiran ng langis.

Napakatotoo niya. Ayaw niyang magkaila ng kahit ano sa publiko sa pag-aakalang ang pagiging totoo ay tatanggapin nang paganu’n lang ng mga nakikinig-nanonood sa kanya, walang nakaabang na ibang interpretasyon.

Nu’ng sabihin ni Nanay Dionesia na six hundred thousand ang halaga ng perlas ng hikaw na iniregalo sa kanya ni Manny ay maraming naaliw sa kanyang diretsong sagot.

Pero meron ding nayabangan sa nanay ni Pacman, halatang-halata raw na ngayon lang siya nakakatikim ng kaginhawahan sa buhay, kaya masyado siyang maingay sa kung anumang meron siya.

Pero sa aming opinyon ay aliw at hindi kayabangan ang hatid ng mga pahayag ni Nanay Dionesia, malakas ang kanyang sense of humor, sa kanya nagmana ang anak niyang boksingero.

Parang seryoso lang si Pacman sa biglang tingin, pero kapag nakasama mo na ito nang matagal na panahon, sasabihin mo na lang na marami itong pakakainin ng alikabok sa entablado ng pagkokomedya.

Kay Nanay Dionesia ‘yun namana ni Manny. Natural na komedyante si Nanay Dionesia.

At ang kanyang mga pahayag ay nanggagaling sa puso at hindi basta sa bibig lang.

Cristy Per Minute
by Cristy Fermin

loading...

2 thoughts on “Manny Pacquiao, manhid na sa intriga

  1. asuz
    gustong magkatrabaho ni cristy
    kaya nagsisipsip kay manny!!
    lolz

Leave a Reply

Your email address will not be published.