Manila at Taipei, Nagkasundo sa ‘Parallel Probe’

NAGKASUNDO NA para sa isang ‘parallel investigation’ ang Pilipinas at Taiwan sa insidente ng pamamaril ng tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa isang mangingisdang Taiwanese sa Balintang Channel.

Sa paghaharap ng mga imbestigador ng Taiwan at mga kawani ng National Bureau of Investigation (NBI) Lunes ng hapon sa headquarters ng NBI sa Maynila kasama si Manila Economic and Cultural Office (MECO) at chairman nitong si Amadeo Perez, ipinaabot ng NBI ang paninindigan nitong huwag magsagawa ng joint investigation kasama ang Taiwan bagama’t iginiit nitong handa ang Pilipinas na makipagtulungan sa isinasagawang pagsisiyasat ng Taipei.

Sa ginawang pagpupulong, binigyang-permiso ng Taiwan ang NBI na magtungo sa kanilang teritoryo at inspeksyunin ang fishing vessel, at kapanayamin ang mga kasamahan ng biktima.

Posible rin umano ang pag-reautopsy sa bangkay ng mangingisda kung papayagan ng pamilya.

Wala pa namang petsa ang pagtulak ng mga imbestigador ng NBI sa Taiwan.

Sa panig naman ng Taiwan, nais nitong maimbestigahan ang barko ng PCG o BFAR, mga armas na ginamit sa insidente na pinayagan naman ni Justice Secretary Leila De Lima.

Ayon kay De Lima, hindi totoong inanunsyo ng Pilipinas na walang murder sa insidente sa pagsasabing “premature” ang pagbibigay ng konklusyon sa puntong ito.

Bukod dito, hindi pa rin natatapos ang imbestigasyon ng NBI na mga ebidensya pa lang mula sa bansa ang hawak at target pang masuri ang mga ebidensya at testimonya sa Taiwan.

Sinabi rin ni De Lima na isasapubliko ang resulta ng imbestigasyon sa tamang panahon ngunit una muna itong isusumite kay Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III.

Samantala, bago pa ang pulong, inireport na ng Taipei Times ang naging pahayag ni Taiwan Minister of Foreign Affairs (MOFA) David Lin nitong Linggo na nagkaroon na ng ‘concensus’ ang Maynila at Taipei sa pagsasagawa ng joint investigation na tinawag nila ni Justice Secretary Leila de Lima na “parallel investigation.”

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.