Mangkukulam, pinatay sa Pangasinan

DEAD ON THE spot ang isang 70-anyos na lola makaraang pagbabarilin ito habang nakatayo lamang sa harap ng kanyang bahay kahapon ng madaling-araw sa lalawigan ng Pangasinan.

Sa report na nakarating sa Camp Crame, kinilala ang biktima na si lola Mercedes Castro residente ng Barangay Kawayan Kilin, San Carlos City, Pangasinan na nagtamo ng dalawang tama ng bala ng baril sa kanyang ulo dahilan ng agaran nitong kamatayan.

Sa pahayag ni Virgilio Ferrer, barangay kagawad sa nasabing lugar, sa mga awtoridad, matagal nang hinihinala ng kanilang mga kabarangay na mangkukulam ang matanda, subalit hindi aniya ito sinasaktan o pinapakialaman ng mga kabarangay. Wala rin aniyang naipaabot sa kanila ang matanda na mayroong pagtatangka sa kanyang buhay.

Pasado alas-4 ng madaling-araw kahapon nang maganap ang pamamaril. Isang motorsiklo umano ang narinig ng mga kapitbahay ng biktima na dumaan at pansamantalang huminto sa lugar ng biktima bago nakarinig na lamang umano sila ng dalawang putok ng baril at muling nakarinig naman ng andar ng motorsiklo papaalis.

Kinaumagahan, nakita na lamang umano ang bangkay ng biktima na nakahandusay sa harap lamang ng bahay nito.

Sa ngayon patuloy ang imbestigasyon ng San Carlos City Police Station ukol sa nasabing pagpaslang.

(EUNICE CALMA)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.