Mancao, Tinakasan ang NBI

TUMAKAS SI dating Police Senior Superintendent Cesar Mancao sa National Bureau of Investigation (NBI). Ito ang sinabi ni NBI Deputy Director Reynaldo Esmeralda sa isang panayam.

Nakunan aniya ng closed-circuit television (CCTV) ang pagtakas ni Mancao, ala-1:14 kahapon ng madaling-araw.

Mag-isa aniyang umalis si Mancao at may dalang bag. Posible ring may nagsundo sa kanya sa labas ng tanggapan.

Sinabi ni Esmeralda na may iniwang sulat si Mancao na nagsasabing “Please do not touch my things without doing inventory. I am just a victim of injustice.”

Nasa kustodiya na ng NBI ang dalawang security guards na naka-duty nang tumakas ang dating pulis.

Nabanggit naman ng NBI deputy director na naka-takdang ilipat sa Manila City Jail si Mancao, na posibleng nagtulak dito para tumakas.

Una nang sinabi ni Justice Secretary Leila de Lima na positive ang natanggap na report na nawawala si Mancao. May ulat ding nawawala ang Pajero nito sa NBI compound.

Enero 2012 nang inilipat sa NBI ang dating pulis matapos tanggihan ng Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 32 ang mosyon na maalis bilang respondent sa kasong pagpatay sa publicist na si Salvador Bubby Dacer at driver nitong si Emmanuel Corbito noong 2000.

Samantala, ayon sa prosecution panel noon, maghahain sila ng motion for reconsideration sa korte.

Matatandaan na si Mancao ang inaasahang magdidiin kay dating Police Senior Superintendent Michael Ray Aquino sa kaso.

Samantala, umapela naman si De Lima kay Mancao sumuko na. Kinumpirma ng kalihim na nakausap niya si Mancao sa telepono.

Humingi aniya ito ng paumanhin sa pagtakas sa National Bureau of Investigation (NBI) at ikinatuwiran na may papatay sa kanya kapag inilipat siya sa Manila City Jail.

Matutulungan ng Department of Justice (DOJ) si Mancao sa death threat, giit ni De Lima.

Sinabi rin ni De Lima na pinaiimbestigahan na niya ang pananagutan ng dalawang guwardya ng NBI na naka-duty nang tumakas si Mancao.

Samantala, ipinag-utos na rin ng kalihim ang manhunt operations sa dating alagad ng batas.

 (PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.