Maldita Lover (1)

RomancenovelLAMPAS LANGIT ang happiness ni Doc Carl, kakatanggap lang n’ya ng text mula kay Ritz, nagpapasama sa Buendia para dalawin daw ang isang kaibigan. Gusto sanang isigaw ni Doc Carl: “Finally! Hindi ko na kailangang mag-isip ng dahilan para makasama ka!” Pero may ngiping kailangan na niyang pastahan, at ayon sa kanyang assistant na si Arianne, may tatlo pang pasyenteng kailangan n’yang i-root canal bago magsara ang kanilang clinic.

Kung pwede lang sanang tablahin na ni Doc Carl ang mga pasyente dahil sa kanyang excitement sa napipinto nilang pagkikita ni Ritz, ginawa na n’ya. Kaya lamang, dahil pinalaki ng parehong dentist parents, tumatak sa isipan ni Doc Carl na sa kanyang piniling larangan, kailangang maging professional.

“Kaya nga nagpapa-appointment ang pasyente para siguradong nando’n ka sa pagpunta nila,” sabi ng kanyang Dad nu’ng minsang umalis na ng clinic si Doc Carl dahil biglang nag-text si Ritz na humihingi ng tulong at hindi makakuha ng taxi sa Cubao.

“Hindi basta-basta ang sakit ng ngipin kaya namimili ang pasyente ng dentistang kumportable sila,” sabi naman ng kanyang Mom nu’ng minsang ipinasa na lang ni Doc Carl ang isang batang pasyenteng sumasakit ang ngipin dahil nagpa-panic na tumawag si Ritz sa kanya at nagpapasama sa isang sabungan sa Batangas.

Gusto pa sana ni Doc Carl na makipag-argumento sa kanyang Mom. Dentista rin naman si Arianne, nasa mabuting kamay ang batang pasyente. Pero naalala n’ya ang tinalikurang pag-iyak ng bata, “I want Doc Carl! I want Doc Carl!” Tama nga naman ang kanyang Mom. Nagkataon nga lang, pagdating kay Ritz, nalilimutan n’yang dentista s’ya, nalilimutan n’yang pushing thirty na s’ya, pati pangalan n’ya, minsan nalimutan na rin n’ya.

“Sino nga ang hinahanap mo? At sino ka ba?” ang mga unang binatong tanong sa kanya ni Ritz nu’ng pumunta si Doc Carl sa tinitirhan ng babae dahil housemate nito ang schoolmate n’ya nu’ng high school na si Rand.

Unang pagkakita ni Doc Carl kay Ritz nu’ng binuksan ng babae ang pintuan sa likod ng nakakandadong pintuang de screen, biglang nalimas ang lahat ng laman ng utak ni Doc Carl. Hindi s’ya dati naniniwala sa love at first sight.

“Ang love, nabubuo ‘yan through time,” ang lagi n’yang sinasabi sa mga kaibigan n’ya.

“Mark my word, Carl,” ang lagi namang panimula ng mahilig na kumontrang si Arianne. “Bigla na lang talaga ‘yon. May makikita ka. Tapos hindi mo na alam kung bakit parang na-possess ka na lang.”

Ilang segundo rin ang tinagal ng “possession” ni Doc Carl sa harapan ni Ritz. Kinailangan pang ulitin ng babae ang tanong nito bago s’ya nakasagot.

Nu’ng pinapasok na s’ya ni Rand sa bahay at naipakilala na sila ni Ritz sa isa’t isa, saka nalaman ni Doc Carl na doktora rin pala si Ritz.

“Doktor ako ng mga ngipin. Ikaw naman, doktor ng mga hayop. Ang galing ha? Pareho pala tayong doktor,” biro n’ya kay Ritz.

“Ano namang magaling do’n?” hirit ni Ritz. “Given na ‘yung malamang pareho tayong doktor. Kasi ang only connection nating si Kuya Rand eh, VetMed. Malamang mga doktor nga ang circle n’ya.”

“Taray naman,” sabi ni Doc Carl kay Rand nu’ng iwan na sila ni Ritz at pumasok na ito sa kwarto n’ya.

“Gano’n lang talaga ‘yon,” sagot naman ni Rand. “Kunwari lang mataray ‘yon. Pero deep inside, pusong mamon din lang ‘yon. Favorite sis ko ‘yon sa org namin, eh. Kaya nu’ng natanggap din sa company naming PurelyVet, sabi ko, dito na lang tumira. Anyway, ‘yung dalawa pa naming housemates eh, sisses din naman namin.”

“Ikaw lang ang lalaki rito?”

“The only legitimate thorn among the roses,” biro ni Rand.

“Legitimate?”

“Lesbiyana kasi si Ritz.”

(Itutuloy)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.