Malaysian Forces sa Sabah, Standby Mode Lang

MATINDING GUTOM na umano ang inaabot ng grupo ng mga Filipino-Muslims na sangkot namamagitang sa “standoff” sa pagitan ng Malaysian authorities sa isla ng Sabah.

Bagama’t magpapaso na ang 48-hours na itinakda ng Malaysian government para umalis ang naturang grupo sa inokupang bayan ng Lahad Datu, sinasabing wala pa rin umanong senyales na tatalima dito ang pangkat na pinamumunuan ni Raja Muda Azzumudie, kapatid ni Sulu Sultan Jamalul Kiram III.

Una na ring nagpatupad ng food blockade ang Malaysian security forces laban sa grupo, kung saan mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok ng anumang suplay sa nasabing bayan.

Sa panig ng Palasyo, iniulat ni deputy presidential spokesperson Abigail Valte na sa ngayon ay wala pa naman umano silang natatanggap na report na mayroong nangyaring “untoward incident” o “confrontation” sa pagitan ng dalawang panig.

Una na ring inihayag ng ilang Malaysian officials na magtatapos ng mapayapa ang standoff issue.

Sinabi ni state chief minister Datuk Seri Panglima Musa Aman na patuloy ang mahinahong negosasyon na ginagawa ng mga emisaryo na isang senyales umano na maaabot ang mapayapang solusyon sa usapin.

Samantala, umapela rin si Amam sa opisyal ng Sulu group na bumalik na sa Pilipinas kasama ang 200 Pinoy dahil nilalabag umano ng mga ito ang international laws nang pasukin ang Sabah.

Una rito, idudulog ng Sultanato ng Sulu sa United Nations (UN) ang kanilang pag-angkin sa Sabah.

Ayon pa kay Dayang Hadja Fatima Celia Kiram, asawa ni Sulu Sultan Jumalul Kiram III, isang liham na ang ipapadala sa UN kaugnay sa nabanggit na usapin.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.