Malacañang, hugas-kamay sa kaso ni Mrs. Binay

HUGAS-KAMAY ANG Malacañang sa umano’y pagbuhay muli ng kaso ni dating Makati City Mayor Atty. Elenita Binay sa Office of the Special Prosecutor ng Office of the Ombudsman.

Inihayag ni deputy presidential spokesperson Abigail Valte na hindi umano alam ng Palasyo ang pagbuhay muli sa kasong graft ni Mrs. Binay na asawa ni Vice Pres. Jejomar Binay kaugnay ng sinasabing overpricing sa hospital beds sa Ospital ng Makati.

Nabatid na ang naturang kaso sa dating mayor ay una nang ibinasura ng korte noong 2011 mahigit sa 10 taon na ang nakalipas subalit muli umanong naghain ng motion for reconsideration ang co-accused sa kaso na inaksiyunan naman ng Office of the Special Prosecutor.

Una nang inireklamo ng pangalawang pangulo na may halong pulitika umano ang pagbuhay sa nabanggit na kaso.

Iginiit din ni Valte na ang mga naunang nakasuhan sa PDAF scam na mga mambabatas tulad nina Sen. Jinggoy Estrada, Sen. Bong Revilla Jr. at Sen. Juan Enrile ay may kaakibat na dokumento bilang ebidensiya at mga testigo.

Paliwanag pa ng opisyal na ang mga nakasuhang mambabatas sa pork barrel scam kasama ni Janet Lim-Napoles ay walang kaugnayan sa pagiging oposisyon o administrasyon na opisyal.

 (PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.