Malabon Police Station, winasak din ni ‘Pedring’

HINDI NA MAPAKIKINABANGAN ang opisina ng Malabon City Police Station makaraang salantain at bahain ng bagyong Pedring.

Magmula pa kahapon, naglilimas pa ang mga pulis sa police station na nakabase sa Barangay San Agustin ng nasabing lungsod. Apektado rin ang kanilang linya ng telepono, pati na rin ang kuryente.

Noong Martes ng umaga, nilipad ang bubungan ng istasyon at binaha ng hanggang baywang sanhi ng lakas ng hangin dulot ng nasabing bagyo na sinundan pa ng high tide.

Unang nawalan ng bubong ang opisina ni Malabon Police chief P/ Sr. Supt. Ferdinand Ampil at sinundan ng tanggapan ng Station Investigation Division.

Bumigay rin ang ikalawang palapag na yari lamang sa kahoy.

Pansamantalang nag-oopisina  ngayon ang mga pulis sa inabandonang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na nasa likod ng city hall sa Barangay San Agustin.

Ayon naman kay Mr. Bong Padua, Public Information Officer ng Malabon City Hall, pinamamadali ang pagkukumpuni sa nasabing istasyon ng pulisya.

Posibleng tumagal pa nang dalawa hanggang tatlong linggo bago makalipat sa dati nilang puwesto ang mga pulis sa Malabon. (ROMAN MAGPOC)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.