MAKUNSENSYA KA NAMAN, MAYOR LIM

MULA SA ARAW na ito Disyembre 1, 2010 ay ipinagbabawal na ni Mayor Alfredo Lim na bumiyahe ang mga “kuliglig at pedicab” sa mga pangunahing lansangan ng Maynila.

Ang pangunahing dahilang ibinigay ni Lim noong una niyang isinulong ang nasabing pagbabawal ay dahil daw sa polusyon.

Kaya lang nang maalala ni Lim na wala palang makina ang pedicab at mapuputing usok naman ang ibinubuga ng mga kuliglig, biglang bawi at buwelta si “Dirty Harry”.

Paano mo nga naman sasabihing polusyon ang dahilan eh, ayan at mas nakasusulasok ang maiitim na usok na ibinubuga ng mga jeepney at bus?

Ngayon ay “kaayusan” naman daw sa mga pangunahing kalsada ang ikinakatuwiran nitong si Lim.

Paalala lang natin, parekoy, rito kay Mayor Alfredo Lim na kung kaayusan sa kalsada ang pag-uusapan, hindi kuliglig at pedicab drivers ang dapat niyang sisihin.

Kundi ang mismong “traffic enforcers” ng Maynila na tumatanggap mula sa mga jeepney at mga bus!

Kaya kayong mga pobreng kuliglig at pedicab drivers… panahon na para imulat ‘yang inyong mga mata pagdating ng election.

Ngayon pa lang, alam na ninyo kung sino ang mga demonyong pulitiko na gusto kayong patayin sa gutom! P’we!!!

GAANO MAN KASAKIT sa ating pakiramdam ang epekto ng ipinatutupad na batas ay wala tayong magagawa kundi tanggapin ito.

Gaya na lamang, parekoy, rito sa kaso ni Sgt. Gerardo Biong na nahatulang makulong ng anim hanggang donse anyos dahil sa ginawa nitong pagsunog sa mga ebidensya sa “Vizconde massacre”.

Sa totoo lang, parekoy, galit din tayo rito sa lintek na Sgt. Biong na ito.

At sa tuwing nakikita natin ang kalungkutan ng nag-iisa na sa buhay na si Ginoong Lauro Vizconde, damang-dama natin ang paghihirap ng kanyang kalooban.

Kaya lang wala tayong magagawa, parekoy, kundi tanggapin ang itinatadhana ng batas.

Na si Sgt. Biong ay isa nang “malaya” o nakabalik na sa tinatawag na malayang lipunan.

‘Yan ay matapos nitong mapagsilbihan ang hatol sa kanya ng hukuman.

With all due respect sa paninindigan ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC)… ayon po sa Bureau of Corrections ay napagsilbihan na ni Biong ang kanyang “maximum sentence.”

Inuulit po natin, galit din tayo sa ginawa ng lintek na Sgt. Biong.

Kaya lang may mga batas tayong dapat sundin!!!

INAANYAYAHAN ko po kayong makinig sa aking programa sa radyo tuwing 6-7 ng umaga, Lunes hanggang Biyernes sa DZME 1530kHz (dulong-kanan sa inyong talapihitan).

Ang programa ng inyong lingkod “ALARMA Kinse Treynta” ay maari din po ninyong mapanood sa internet sa ganun ding oras. Mag-log-on lamang sa www.dzme1530.com.

Target
ni June Briones
jabriones10@yahoo.com
09152121303

loading...

One thought on “MAKUNSENSYA KA NAMAN, MAYOR LIM

  1. VOVO mo pare.. kailangan ehh.. i-SALVAGE lahat yang mga abusong KULIGLIG BOYS na iyan..
    gusto mo sama ka ? LOL LOL LOL LOL LOL LOL LOL

Leave a Reply

Your email address will not be published.